'Pa-bid daw ulit': Ipinasubastang sneakers ni Mayor Nieto binayaran pero iniwan ng nanalo

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 03:22 PM

Imbis na kuhanin ang napanalunan sa shoe auction fundraiser ni Cainta Mayor Kit Nieto, naisip ng winning bidder na ipasubasta muli ito sa alkalde bilang tulong sa paglikom ng tulong para sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa post ng alkalde ngayong Biyernes, makikita ang retrato ng isang babae, na siyang nanalo sa auction na bayaran lang ang P35,000 na hawak ang napanalunang sapatos. 

 

"'Yong winning bidder ng J11 Gamma Blue kahapon, dinaan yung bayad na P35,000 dito sa office tapos iniwan yung sapatos. Pa-bid ko daw [ulit]," ani Nieto sa kaniyang Facebook page. 

Nagpasalamat din siya sa babae, na hindi pinangalanan sa Facebook post. 

"Salamat, salamat, kayo ang dahilan kung bakit nandito pa rin ako ngayon," ani Nieto. 

Sa mga nakalipas na araw isinubasta ni Nieto ang ilan sa kaniyang mga sapatos para makalikom ng pera sa kanilang COVID-19 response. 

Aabot sa daan-daan libong piso na ang nalikom ng lokal na pamahalaan ng Cainta sa pagsusubasta ni Nieto ng kaniyang mga sapatos. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.