Xian Gaza, pinaaaresto dahil sa mga investment 'scam' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Xian Gaza, pinaaaresto dahil sa mga investment 'scam'

Xian Gaza, pinaaaresto dahil sa mga investment 'scam'

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 10, 2018 08:50 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahanap na ngayong ng mga awtoridad ang dating nag-viral na si Christian Albert Gaza, o mas kilala bilang Xian, kaugnay sa umano'y mga panloloko nito sa dalawang investor.

Nakilala si Gaza dahil sa paggamit ng billboard para ayaing magkape ang isang aktres. Pero kalaunan ay inireklamo ito ng iba pang celebrity dahil sa umano ay panloloko.

Dumulog sa Lingkod Kapamilya ng DZMM sina Jaime Asuncion at Melinda Cruz dahil hindi na umano mahagilap ang suspek matapos maglabas ng 2 arrest warrant ang Branch 56 at Branch 120 ng Malabon Metropolitan Trial Court dahil sa kasong paglabag sa Batas Pambansa (BP) 22 o ang Anti-Bouncing Checks Law.

Kuwento ni Cruz, 8 taon na niyang kakilala ang pamilya ni Gaza kaya madali itong nagtiwala sa suspek.

"Kilala ko po 'yung pamilya niya and matagal ko na po silang kakilala. Si hindi ko po in-expect na lolokohin ako," ani Cruz.

ADVERTISEMENT

Inutangan umano si Cruz ng P2 milyon para pondohan ang isang coffee shop ni Gaza dahil umurong umano ang nauna nitong partner.

"Nag-invest po ako sa business and then nu'ng una po nakakapagbigay naman siya," aniya.

Sa kanilang kontrata ay tumayo si Cruz bilang "lender" ni Gaza at habang hindi pa niya nakukuha ang kabuuang halaga, binibigyan siya nito ng buwanang interes na P20,000.

Pinangakuan pa umano siya nito ng profit-sharing sakaling lumago ang negosyo.

Limang buwan lang aniya nakapagbayad ng interes si Gaza at matapos iyon ay hindi na ito mahagilap.

Kinausap ni Cruz ang mga magulang ni Gaza at tinangka pa umano nilang ayusin ang gusot sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang house and lot sa Bacoor, Cavite.

"Hindi nga nila in-expect na pati ako idadamay daw sa panloloko ng anak nila so binigyan po ako ng property na hindi naman sufficient enough dahil ang naging worth lang ng property is P700,000 pero sabi nila P3 million ang halaga," hinaing ng biktima.

Tinakbuhan ang utang?

Bago si Melinda, nabiktima na rin ni Gaza si Jaime Asuncion.

Si Asuncion ang tinukoy ni Gaza na umano'y "tumakbo" sa coffee shop business. Kinontra ito ni Asuncion at sinabing tinakbuhan rin umano siya sa mga utang ni Gaza.

"Ako po 'yung nagpondo ng coffee shop. First month pa lang ng usapan namin sabi niya siya ang magpapatakbo. Eh ako po ang nagpondo lahat, so nilalabanan ko ang 50-50 sharing. First month pa lang hindi na kami magkasundo sa hatian, so I feel na greedy itong taong ito," ani Asuncion.

Napagdesisyunan ni Asuncion na kuhanin na lang ang kaniyang buong investment para ipaubaya na kay Gaza ang negosyo.

"Sabi niya 'Ok po, Tito. Babayaran kita ng tseke. Personal na utang ko na ito.' Binabayaran niya nu'ng una," ayon kay Asuncion.

Umabot sa P1 milyon ang nilabas na pera ni Asuncion, pero nabawasan na ito nang bahagya bago takbuhan ni Gaza.

Dahil sa mga panlilinlang, nagdesisyon na siyang idemanda si Gaza.

Nagkaharap pa raw sila sa korte at nangako itong magbabayad pero hindi naman natutupad.

Hanggang sa mag-isyu na nga ng warrant ang korte ay hindi pa rin nagpapakita si Gaza para isuko ang sarili.

Nanawagan ang dalawang complainant na lumutang na si Gaza upang harapin ang kaniyang kaso.

'Bankrupt'

Samantala, sa panayam sa ABS-CBN News, kinumpirma ni Gaza na may warrant nga siya dahil umano sa pagkabigong sumipot sa mga hearing sa korte.

"Yes, it’s true. Those are bench warrants for not personally attending my court hearings, [and] only sending my lawyer to represent me...because I’m outside the country on my scheduled hearings," aniya.

Inamin din ni Gaza ang mga paratang at sinabing hindi talaga siya nakakabayad ng utang dahil wala pa siyang kakayahan sa kasalukuyan.

"I don’t have the means to pay them at the moment...I am bankrupt and the sheriff is highly aware of that," ayon pa dito.

Maaalalang nag-viral si Gaza noong 2017 matapos umarkila ng billboard upang ayaing magkape ang aktes na si Erich Gonzales, na kalauna'y tumanggi sa imbitasyon.

Matapos iyon ay sunod-sunod na ang pagputok ng balita na umano'y isang "scammer" si Gaza na marami nang naloko.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.