ECQ sa 'NCR Plus' pinaghandaan; health workers may hiling | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ECQ sa 'NCR Plus' pinaghandaan; health workers may hiling

ECQ sa 'NCR Plus' pinaghandaan; health workers may hiling

ABS-CBN News

Clipboard

Checkpoint para sa mga motoristang galing Muntinlupa City papuntang Cavite noong Marso 22, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA – Bago muling ipatupad ang mahigpit na enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan, naghanda na si Bebian Baranda ng kanilang supplies sa bahay.

Pahirap aniya sa mga tulad niya ang paghihigpit na naman sa paglabas ng bahay.

"Ang hirap po. Sasabihin mong one week lang 'yang lockdown na 'yan, para sa akin, 2 po anak ko, mahirap pa rin para sa akin po," ani Baranda sa panayam ng ABS-CBN News.

Iba-iba ang reaksiyon ng publiko sa muling paghihigpit.

ADVERTISEMENT

"Mas maganda total lockdown na sila, siguro tagal-tagalan na nila para maubos na agad 'yong COVID," sabi ni Arjohn Orillo.

"Naranasan na noong una na mahirap, lalo pa ngayon. Sa haba ng lockdown, saan kami kukuha ng ipapakain sa pamilya?" ani Dindo Madia.

Sa anunsiyo ng Malacañang, simula hatinggabi ng Lunes, iiral ang ECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, at Rizal hanggang Abril 4.

Nangangahulugang bawal lumabas ng bahay maliban kung authorized person outside of residence o kailangang bumili ng essential goods tulad ng pagkain o gamot.

Pinahaba na rin ang curfew mula alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng madlaing araw.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magiging mas proactive ang gobyerno sa pagtukoy ng mga kaso ng COVID-19 para malunasan at mapigil ang pagkalat ng sakit.

"Pagdating naman po sa detection, mage-establish po tayo ng mga Dharavi-like center at the community na maghahanap po ng mga suspect cases. Ite-trace sila, iko-contact trace at i-a-isolate," ani Roque.

"Magbabahay-bahay po tayo na maghahanap ng mga taong mayroon pong sintomas," dagdag niya.

Ito ang tugon ng gobyerno sa gitna ng patuloy na dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa, na sinabayan ng pagkapuno ng mga ospital na humaharap din sa hamon ng kakulangan sa health workers.

Sa ilalim ng ECQ, bawal din ang mass gathering o pagtitipon ng higit 10 tao.

Bawal ang bisita sa loob ng bahay at mga miyembro ng pamilya lang din ang maaaring dumalo sa mga kasal, binyag o libing.

Papayagan namang lumabas ang mga tao para sa page-ehersisyo.

Tuloy ang pampublikong transportasyon pero depende sa ipapalabas na guidelines ng Department of Transportation.

Sarado ang mga mall maliban sa mga grocery at drugstore habang bawal na ang dine-in sa mga restaurant at tanging take out at delivery lang ang papayagan.

Nasa 50 porsiyentong kapasidad lang din ang papayagang pumasok na mga empleyado sa mga pribadong establisimyento habang full capacity sa essential services tulad ng mga ospital.

Nilinaw rin ng Palasyo na hindi kailangan ng travel pass.

Tiniyak naman ni Roque na magbabahagi ng tulong ang pamahalaan sa mga labis na maaapektuhan ng ECQ.

"Isinasapinal na po ang pagbibigay ng assistance," aniya.

Ipinag-utos din ng pamahalaan ang tuloy-tuloy na pagbabakuna sa priority groups, una na ang mga frontliner, senior citizen, at may comorbidities o may 2 o higit pang sakit.

Suportado naman ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 ang ECQ.

Pero hiniling ng grupo sa pamahalaan ng palawakin ang One Hospital Command Center, palakasin ang COVID-19 referral network, at paigtingin ang contact tracing.

Hiniling din ng grupo ang patas na pagbabakuna alinsunod sa priority list at sapat na saskayan para sa health workers.

Patuloy namang pag-aaralan kung kailangan pang palawigin ang isang linggong ECQ sa tinaguriang "NCR Plus Bubble."

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagpasya naman ang ilang lokal na pamahalaan, gaya ng Maynila at Quezon City, na ibalik ang paggamit ng quarantine pass sa muling pag-iral ng ECQ.

Tiniyak naman ng National Task Force Against COVID-19 na magiging compassionate o uunawain ng mga awtoridad ang mga manggagawa na aabutan ng curfew sa ECQ.

Kailangan lamang ipresenta sa mga awtoridad na maninita ang ID ng essential worker, ani Restituto Padilla, tagapagsalita ng task force.

May mga nag-panic buy naman ng supplies sa mga supermarket ngayong Linggo pero tiniyak ni Agriculture Secretary Willaim Dar na sapat ang supply ng pagkain.

Ayon naman sa Department of Tourism, suspendido muna ang pag-aalok ng staycation sa loob ng mga lugar na nasa ilalim ng ECQ.

Nitong Linggo, nadagdagan nang 9,475 ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, base sa tala ng Department of Health. Umakyat sa 721,892 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso.

Sa bilang na iyon, 105,568 ang active cases o may sakit pa rin dahil sa 603,154 gumaling at 13,170 namatay.

– Ulat nina Jeffrey Hernaez, Bianca Dava, at April Rafales, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.