'Konting sakripisyo': BuCor dinepensahan ang itinayong pader sa daanan ng Bilibid | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Konting sakripisyo': BuCor dinepensahan ang itinayong pader sa daanan ng Bilibid

'Konting sakripisyo': BuCor dinepensahan ang itinayong pader sa daanan ng Bilibid

Anjo Bagaoisan,

ABS-CBN News

 | 

Updated Mar 22, 2021 09:20 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA — Dalawang araw mula nang bakuran ng Bureau of Corrections (BuCor) gamit ang sementadong pader ang access road mula sa NHA Southville 3 housing project sa Poblacion, Muntinlupa papunta sa barangay proper, hirap ang mga residenteng naapektuhan sa pagpasok sa trabaho at pagkuha ng pangangailangan.

Pero dinepensahan ng BuCor ang pagsasara ng kalsada na matagal na umano nitong plinano.

Kahit anong pakiusap ng 63-anyos na si Teresita Dela Paz, hindi siya pinayagan ng mga bantay ng BuCor na lakarin ang access road para makapunta ng bayan noong Lunes ng umaga.

Sabi niya, ubos na kasi ang kanyang gamot na pang-maintenance at kailangan pa niya kunin sa city hall ang pambili nito.

ADVERTISEMENT

“Kahit ako maglakad, maglalakad ako, basta makadaan ako,” ani Dela Paz.

“Di naman kami dito mabubuhay sa ganito. Wala akong kasama, paano ang [pagbili] ko sa gamot?”

Sa huli, nakisakay siya sa barangay para makarating sa bayan.

Noong Sabado tinayuan ng sementadong pader ang access road, na ikinagulat ng Barangay Poblacion.

Sulat ng BuCor sa pamunuan ng Bgy. Poblacion patungkol sa pagsasara ng kalsada. Courtesy: Bgy. Poblacion

Ayon sa natanggap nilang sulat mula sa BuCor noong Biyernes, sinabi sa kanila pansamantala lang ito isasara kasama ng iba pang ruta bilang pag-iingat sa COVID-19 at sa isyung panseguridad.

Pero walang ibinigay na petsa kung hanggang kailan ang pagsara.

Sa pinadalang pahayag sa ABS-CBN News, sinabi ng tagapagsalita ng BuCor na si Gabriel Chaclag na hindi nila hinaharang ang kalsada kundi sinasara na ito alinsunod sa kanilang plano para rito.

“We do not prevent residents of NHA Southville 3 from accessing city proper... Matagal po plano ito at dapat lang, kasi po kailangan secured ang maximum security prison natin.”

Ayon kay Chaclag, may nabuksan namang alternatibong ruta sa lupain ng NBP na Biazon Road bilang kapalit sa nakasarang kalsada.

Kailangan lang umano sanayin ng mga residente na doon na bumiyahe tulad ng paggamit nila sa access road sa loob ng halos 15 taon.

"Konting sakripisyo lamang naman po [na] dagdagan ng 1.5 km lang ang kanilang travel distance [kaysa] sa dating shortcut. Ito rin ay pagbibigay ng dignity sa mga residents na hindi sila habang buhay na nakikidaan lamang sa loob ng BuCor,” sabi niya sa pahayag.

Pero reklamo ng mga residente, dagdag-biyahe na ito sa kanila, dagdag-gastos pa.

Imbes na magbabayad ng P50 para sa balikang tricycle ride, aabot na ito ng P70 o higit pa dahil 3 beses nang sasakay ng jeep.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mula sa Biazon Road, kailangan pang baybayin ang Daang Hari at MCX Expressway nang halos kalahating oras para makarating sa barangay proper at sa munisipyo.

Pansamantalang naglagay ng mga jeep para maghatid ng tao mula NHA Southville 3 papunta ng bayan at pabalik mula alas-5 ng madaling-araw hanggang alas-8 ng gabi.

Giit ni punong barangay Allen Ampaya, hindi makatarungan ang pagsasara ng kalsada sa 40,000 nakatira sa Southville 3.

Aniya, bahagi ng pagpapatayo ng housing project ang access road.

“Mahihirap na po ang maraming naninirahan sa Southville 3 lalo na ngayong pandemic,” sabi niya.

“Kung doon sila dadaan sa Biazon road na tinatawag, ito’y napakagastos para sa kanila. Parang hinihiwalay kasi nila ‘‘yong Southville 3 doon sa aming barangay.

Dagdag ng barangay, damay din ang pagresponde ng emergency team, pulis, at bombero mula bayan papuntang Southville 3 o pabalik.

Hindi naman sang-ayon si Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon na 1.5 kilometro lang ang madadagdag na biyahe, kundi 10 kilometro, lalo kung mapapadaan pa ng San Pedro City ang mga nagko-commute.

Sa ipinatawag na special emergency session Lunes, naglabas ng resolusyon ang konseho ng Bgy. Poblacion na nagkokondena sa pagtatayo ng pader at nananawagan sa pamahalaang lungsod at pambansa na tugunan ang isyu.

Sa hiwalay na pulong, nagpasa rin ng resolusyon ang Muntinlupa City council para ipanawagan sa Department of Justice na may sakop sa BuCor na ipabukas ang kalsada.

Nanawagan din sila sa Kamara na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon sa kaso.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.