Pagtatayo ng BuCor ng pader sa isang kalsada sa Muntinlupa tinutulan

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2021 12:49 AM

Pagtatayo ng BuCor ng pader sa isang kalsada sa Muntinlupa tinutulan 1
Nagtayo ng pader sa kalsada sa Muntinlupa ang Bureau of Corrections, na tinutulan ng mga residente at ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa. Photo courtesy of City Government of Muntinlupa

MANILA - Tinutulan ng mga residente, pati na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang pagtatayo ng Bureau of Corrections (BuCor) ng pader sa mismong kalsada papasok sa isang subdivision sa siyudad.

Access road ng Southville 3 papuntang Barangay Poblacion proper ang pinagtayuan ng BuCor ng pader na gawa sa hollow blocks at simento.

Sa pahayag ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi sa kaniyang opisyal na Facebook account, wala umanong naging koordinasyon ang BuCor sa lokal na pamahalaan, at hindi rin nabigyan ng sapat na impormasyon ang mga residente.

 

Una nang nagpadala ng notice ang BuCor sa barangay noong March 19, ngunit hindi umano nabanggit na permanente ang itatayong harang.

Giit ni Fresnedi, malaking abala para sa mga residente ang pader, dahil kinakailangan na nilang umikot sa ibang kalsada, na pupuwedeng maglalagay sa mga ito sa alanganin ngayong tumataas ang kaso ng COVID-19.

Sa ipinalabas na pahayag ng Barangay Poblacion, nakiusap sila sa BuCor na magpadala ng service vehicle na magagamit ng mga residente patungo sa kanilang trabaho ngunit walang malinaw na sagot ang BuCor dito sa oras na ito.

Sabi ng mga opisyal ng barangay, magpapasa sila ng resolusyon upang ipabatid ang pagtutol sa pagtatayo ng pader at hilingin ang tulong ni Fresnedi, Congressman Ruffy Biazon, at City Council upang mabigyang solusyon ang isyu.

Una nang nagtungo sa lugar si Biazon upang kausapin ang ilang opisyal ng BuCor at mga apektadong residente. Iginiit ng kongresista na labag sa batas ang ginawang pagharang sa kalsada.

Nagpadala na rin ng sulat si Fresnedi sa BuCor para sa agarang pagpapatigil ng pagtatayo ng pader, nakiusap din ang alkalde sa mga residente na maging mahinahon habang inaayos ang problema.

Wala pang inilalabas na pahayag ang BuCor, Sabado ng gabi.

MULA SA ARCHIVE:

Watch more on iWantTFC