MAYNILA - Pinamamadali na ng mga labor group at ng ilang mambabatas ang pagdedesisyon ukol sa panukalang itaas ang minimum wage ng mga manggagawa.
Aabot sa P470 na umento ang ihinihirit ng labor groups, na layong maiangat sa poverty threshold ang sahod.
"Ang wage increase ang siyang pinakaimportante lalong-lalo na sa panahong ito dahil ito ay sigurado at direktang mapupunta sa mga manggagawa at pakikinabangan ng kanilang pamilya. Non-negotiable ang P470 wage increase petition ng TUCP," ayon kay Trade Union Congress of the Philippines spokesperson Alan Tanjusay.
Kasabay nito, hinihingi naman ng Grupo Partido Manggagawa na maibigay pa rin ang ayuda sa mga maliliit na negosyo kasabay ng pagsuspinde sa excise tax ng langis.
"Tingin ko, kaya bumabagal ang desisyon ng gobyerno [kasi] maraming interes eh. Kung may political will na natira na ipakita kasi kung gusto mo ayudahan agad farmers fisherfolk, suspend mo na agad [ang excise tax]," ani Partido Manggagawa chairperson Rene Magtubo.
Binibigyan ng mga mambabatas ng 30 araw ang mga regional wage board para desisyunan ang mga petisyon sa mga umento.
May banta ring buwagin ang mga wage board sa kabiguan umano ng mga ito na kusang pag-aralan kung sumasapat ang minimum wage ng mga manggagawa.
"If they don't act on this people will start complaining to them and to us… I move we request wage boards to immediately resolve in motu propio within 30 days," ani House Committee on Labor and Employment vice chairperson Rep. Mark Go.
Kinuwestiyon din ng mga mambabatas kung bakit ilang taon ang inabot mula nang huling itaas ang sahod ng mga manggagawa.
"You are not proactive, you are reactive. Last increase in 2018, ang galunggong is P140, after four years, price of GG (galunggong) has doubled… Hindi na dapat umaabot sa ganitong punto na kami pa nagpapatawag sa inyo. Do your jobs, if not, Congress will be compelled to abolish [the wage board]," ani committee chairman Rep. Enrico Pineda.
Tutol naman ang Department of Finance at economic cluster ng pamahalaan na itaas ang sahod dahil sa magiging epekto nito sa inflation o taas presyo ng mga bilihin.
Ayaw din nito ang pagtakda ng minimum wage sa buong bansa dahil iba-iba umano ang economic conditions kada rehiyon.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.