'Herd immunity mahihirapang maabot kung marami ang di magpapabakuna' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Herd immunity mahihirapang maabot kung marami ang di magpapabakuna'

'Herd immunity mahihirapang maabot kung marami ang di magpapabakuna'

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahirap abutin ang herd immunity kung tatanggi ang maraming Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19, ayon sa Department of Health.

"As long as there are people refusing to be vacicnated, lumalayo nang lumalayo ang ating target at lumalayo nang lumalayo 'yong tsansa na maka-achieve ng herd immunity na sinasabi natin," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

Nasa 70 milyong Pilipino ang target ng gobyerno na mabakunahan para maabot ngayong taon ang herd immunity, na isang paraan upang mapigil na ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, isang moral obligation ang pagpapabakuna.

ADVERTISEMENT

"Ito ay moral obligation po ng lahat ng mga tao na tayo na dapat, tayo ay magpabakuna at dapat 'wag nating hintayin 'yong tinatawag na 'best vaccine,'" aniya.

Ito ay sa harap ng pag-aalangan ng mga Pilipino na magpaturok ng bakuna kontra COVID-19, na nakapanghawa na ng higit 580,000 sa bansa.

Ayon sa mga eksperto, ang herd immunity ay puwedeng maabot kung may sapat na bilang ng mga tao sa isang populasyon ang mababakunahan laban sa sakit.

Dahil dito, mapoproteksiyunan din ang ibang tao dahil hindi na kakalat ang virus.

Ayon sa isang scientist, may iba-ibang bagay na kailangang i-compute para matukoy kung ilang tao ang dapat bakunahan para maabot ang herd immunity.

Kasama na rito ang bilis ng pagkalat ng sakit.

"Sa ngayon yata ang report ng SARS-CoV-2 ay sa isang tao kaya niyang manghawa ng 2 to 3 persons. Wala pang variant 'yan. Ibig sabihin kung mayroon tayong variant na ang mutation... puwedeng tumaas ng 4 to 5 ang mahahawaan," ani Dr. Marilen Balolong, propesor ng microbiology at immunology sa University of the Philippines-Manila.

Hindi pa isinasaalang-alang ang United Kingdom at South Africa variant ng virus nang tukuyin ng gobyerno ang 70 milyon na target ng bansa.

Ayon sa gobyerno, ang pinakamagandang scenario ay maabot ng Pilipinas ang target na iyon nang 2021, pero posibleng maantala pa ito depende sa supply ng bakuna.

Pareho namang naniniwala sina Vergeire at Balolong na katanggap-tanggap ang bakuna kahit may mababang efficacy rate sa ngayon dahil may 2 namang layunin ang gobyerno.

"Itong herd immunity is our long term, our end term goal. Pero ang atin ngayong tinitignan na very objective of why we would like to vaccinate as soon as possible is for us to reduce morbidity and to reduce mortality," ani Vergeire.

Tingin naman ni Balolong ay aabutin pa nang ilang taon bago tuluyang makamit ang herd immunity.

"Imagine natin ang experience ng measles at saka ng polio. Hindi po natapos 'yon ng isang taon lang o dalawang taon lang. Hanggang ngayon tina-try pa rin nating i-eradicate ang polio," aniya.

Umaasa sa ngayon ang mga eksperto na makakarating sa Pilipinas ang mas maraming bakuna at iyong may mas mataas na efficacy rate para mas mabilis na maabot ang herd immunity.

Umarangkada noong Lunes ang pagbabakuna kontra COVID-19 ng health workers sa ilang ospital sa Metro Manila. Dumating naman ngayong Martes ang libo-libong dose ng bakuna sa Davao City at Cebu City.

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.