MAYNILA — Sa kabila ng pag-arangkada ng vaccination program ng Pilipinas, posibleng sa 2023 pa umano makababalik sa normal ang pamumuhay sa bansa, ayon mismo sa tantiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"In about maybe early, mga year 20, year 23, not the 22. Ito ngayon hanggang katapusan ng buwan, paspasan tayo. Early in the first, maybe first or second quarter of year 23, 2023, baka, sa tulong ng Diyos," sabi ni Duterte sa ilang talumpati noong Linggo kasabay ng pagsalubong niya sa unang batch ng Sinovac vaccines.
Para kay Duterte, ang pagdating ng mga bakuna ay malaking hakbang na rin sa laban ng bansa kontra sa COVID-19, kaya malaki aniya ang pasasalamat niya sa China.
Oras umanong makaipon ang bansa ng 2 milyong doses ng bakuna, payag na daw siyang luwagan ang COVID-19 restrictions sa bansa para matulungang makabangon ang ekonomiya. Nauna na niyang tinutulan ang naturang panukala.
"Magkaroon lang tayo ng stock ng 2 million, bitawan ko na. I will open the economy. Talagang hirap tayo," aniya.
Sa pagtataya ni vaccine czar Carlito Galvez, posibleng makalap ng bansa ang suplay sa ikalawang quarter ng 2021.
Ngayong Lunes, sinimulan nang iturok ang CoronaVac na bakuna ng Chinese company na Sinovac sa ilang health care workers at opisyal ng gobyerno.
—Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV PATROL TOP, pandemic, pandemya, COVID-19, Sinovac, bakuna, vaccine, new normal, CoronaVac, Covid-19, Covid-19 vaccine, coronavirus, pandemic, lockdown, MGCQ