Iwas-sunog tips ngayong Fire Prevention Month | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Iwas-sunog tips ngayong Fire Prevention Month

Iwas-sunog tips ngayong Fire Prevention Month

ABS-CBN News

 | 

Updated Oct 21, 2018 04:29 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinimulan ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Huwebes ang pag-ikot sa mga komunidad upang magbahagi ng mga paalala sa mga residente para makaiwas sa mga insidente ng sunog.

Idinaraos tuwing Marso, isa sa mga pinakamainit na buwan sa bansa, ang Fire Prevention Month dahil karamihan ng mga insidente ng sunog ay nangyayari sa buwang ito.

Tinatawag na "triangle of fire" ang modelo na binubuo ng tatlong sangkap na kinakailangang maghalo para magdulot ng sunog. Kabilang dito ang fuel, oxygen, at init.

Isa sa mga halimbawang ibinigay ng BFP ay ang pagkasunog ng tangke ng liquefied petroleum gas o LPG.

ADVERTISEMENT

"Ang LPG kasi huwag tayong matakot na ito'y basta basta sasabog. Matagal na proseso at napakatinding init bago sumabog ang LPG tank," ani Fire Officer 3 Veronica Vicente.

"Medyo nakakatakot dito kapag binuksan natin ang LPG, iyong pressure o sound na nanggagaling sa tangke," dagdag ni Vicente.

Para mapatay ang apoy sa main valve ng LPG, isara ang regulator. Kung mainit at sira ang regulator ay gamitan ito ng basang basahan.

Kung nasa hose ng LPG ang apoy, gamitin ang hinlalaki para takpan ang butas at patayin ang gas source.

Dapat ay may bentilasyon kaya mahalagang buksan ang pinto o bintana kapag sumingaw ang LPG.

Huwag umanong magbukas ng ilaw o huwag itong patayin kapag nakasindi na.

APPLIANCES

Kung ibang appliance o kagamitan ang nasusunog, huwag agad isaksak o huwag bunutin.

Huwag ring gumamit ng tubig sa pagpatay ng mga electrical-related fire. Sa halip ay patayin ang circuit breaker at tanggalin sa saksakan ang kagamitan.

Dahil may mga pagkakataong sa kusina nangyayari ang sunog habang nagluluto, huwag umanong buhusan ng tubig ang umaapoy na mantika.

Sa halip ay gumamit ng basahan na walang butas, takpan ang kawali, at patayin ang gas source.

Kapag umabot sa puntong nasusunog ang parte ng tao, dumapa sa sahig, takpan ang mukha, at gumulong-gulong hanggang sa mawala ang apoy.

Maaari ring dumapa, lagyan ng kumot, at tapik-tapikin ang bahagi ng katawan na nasusunog hanggang sa mawala ito.

IMPROVISED FIRE EXTINGUISHER

Tinuro rin ng BFP kung paano gumawa ng improvised fire extinguisher para sa mga maliliit na sunog.

Gumamit ng plastic bottle at lagyan ito ng pinaghalong 50 porsiyentong suka, 30 porsiyentong tubig, at 20 porsiyentong liquid detergent.

Butasin ang takip nito at isuksok ang tissue na may lamang baking soda.

Tiyaking hindi tatama ang tissue sa acid solution.

Alugin lamang ito kapag gagamitin.

Watch more in iWantv or TFC.tv

PANGUNAHING SANHI

Ayon kay BFP Chief Public Information Officer Joanne Vallejo, nananatili ang kuryente bilang nangungunang sanhi ng sunog.

"Ito 'yong mga appliances natin na hindi na-unplug or overloading o kaya paggamit ng saksakan na ang daming sinasaksak," sabi ni Vallejo.

"Minsan wala sa ating isipan na umaalis tayo ng bahay o nakatulugan natin, nag-overheat ang ating appliances dahil 'di natin na-unplug," aniya.

Nagdaos din ng pagsasanay ang mga tauhan ng BFP sa Quirino Grandstand nitong Huwebes kasabay ng pagsisimula ng Fire Prevention Month.

Nasa 14,000 ang kabuuang bilang ng mga naitalang insidente ng sunog sa buong bansa noong 2017, na kumitil sa buhay ng 304 katao at tumupok sa mga ari-ariang nagkakahalagang P7.8 bilyon.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 28 nitong taon, nagtala ang BFP ng 1,758 insidente ng sunog sa buong bansa na naging sanhi ng pagkamatay ng 22 katao at pagkawala ng P1 bilyong halaga ng ari-arian.

Sa bisperas ng Fire Prevention Month noong Miyerkoles, nasa 1,000 tao ang nawalan ng tahanan sa sunog sa Barangay Tatalon, Quezon City na hinihinalang sumiklab dahil sa napabayaang charger.

-- Ulat nina Tina Marasigan at Francis Faulve, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.