Mga ‘bagong bayani,’ kinilala sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 03:32 PM | Updated as of Feb 25 2018 09:00 PM

  • EDSA ‘salubungan’ muling isinagawa
  • Mga nag-aayuno sa People Power monument, umalma sa pagpapalipat 
  • Pangulong Duterte, may mensahe ukol sa demokrasya

Kinilala ang mga binansagang bagong bayani sa paggunita ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Linggo, Pebrero 25.

Kabilang sa mga kinilala ang hukbong sandatahan para sa kanilang pakikidigma kontra sa mga teroristang lumupig sa Marawi.

Tinanggap ni Captain Michael Asistores ang parangal na iginawad ng EDSA People Power Commission.

Pinarangalan din si PO3 Christopher Lalan, isa sa mga nakaligtas sa operasyon ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano sa Maguindanao noong 2015 na target ang international terrorist na si alyas “Marwan.”

Nasawi ang 44 na kasamahan ni Lalan sa naturang operasyon.

Tinanggap naman ng mga kaanak ng guwardiyang si Melvin Gaa ang posthumous na Spirit of EDSA Foundation and Good Citizenship Award. 

Nasawi si Gaa habang inililigtas ang dose-dosenang indibidwal nang masunog ang isang mall sa Davao nitong Disyembre. 

Nasawi si Gaa kalaunan nang tangkaing magligtas pa ng ibang na-trap sa loob ng nasusunog na gusali. 

Napabilang siya sa 38 pumanaw sa sunog.

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginawad naman ang People's Power Heroes Award kay dating Pangulong Ferdinand V. Ramos para sa kaniyang papel sa rebolusyon noong 1986 na tumapos sa 14 na taong diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

Nagsilbi si Ramos bilang Armed Forces vice chief of staff sa ilalim ni Marcos. Kasama ang noo’y si Defense Secretary Juan Ponce Enrile, pinangunahan ni Ramos ang mga sundalong bumaligtad sa administrasyong Marcos.

Kasabay ng seremonya, nag-turn over na rin ng pangangalaga ng People Power monument sa National Historical Commission of the Philippines mula sa Spirit of EDSA Foundation.

‘SALUBUNGAN’

Ang tema ng paggunita sa EDSA Revolution ngayong taon ay “EDSA 2018: Effecting Change towards strengthened Democracy.”

Bago ang commemorative program, isang misa ang idinaos para markahan ang ika-32 taon mula mula nang mapatalsik ng sambayanang Pilipino ang diktadurang Marcos.

Matapos ang misa, naging tampok sa programa ng EDSA People Power anniversary ang nakagawiang “Salubungan” o ang makasaysayang pagsasama ng militar at mga sibilyan sa mapayapang rebolusyon.

Pinangunahan ni Ramos ang re-enactment nitong salubungan.

Tulad din ng kaniyang ginawa noong 1986, si Ramos ay muling tumalon sa paggunita ng tagumpay rebolusyon.

Nakihalubilo rin ang dating pangulo sa mga sibilyan at kinarga rin ang isang batang naroon sa okasyon.

Nagsaboy rin ng confetti sa pagtatapos ng programa para sa paggunita ng EDSA People Power Revolution.

REKLAMO NG MGA NAG-AAYUNO

Bago ang programa para sa anibersaryo, bahagya namang nagkaroon ng tensiyon nang palipatin ng puwesto ang grupong siyam na araw nang nag-aayuno sa People Power Monument.

Ayon sa isa sa mga nanguna sa pag-aayuno na si Fr. Robert Reyes, taliwas sa diwa ng EDSA ang aniya’y pagpapaalis sa kanilang grupo dahil sila’y “eye sore” at hindi dapat mapasama sa mga “bigating” personalidad na dadalo sa programa ng anibersaryo.

Sa kabila ng kanilang pag-alma, binaklas pa rin ang tent ng mga nag-aayuno at inilipat sila sa tapat ng gate 4 ng Camp Aguinaldo.

Bukod naman sa programa ng anibersaryo, nagsasagawa rin ng diskuwento caravan ang Department of Trade and Industry.

Mayroon ding libreng medical at dental services.

May ilan namang nagtipon sa Quezon Avenue sa bahagi ng EDSA para kondenahin ang parehong liderato nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

Isang effigy ring may mukha nilang dalawa ang winasak ng mga nag-rally.

Sa Mendiola naman nagmartsa ang iba’t ibang grupo para gunitain ang mga aktibistang pumanaw noong panahon ng batas militar ng rehimeng Marcos.

MENSAHE NI DUTERTE

Tulad noong nakaraang taon, hindi muli dumalo sa programa ng anibersaryo ng EDSA People Power si Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, sa isang mensahe, binigyang diin ni Duterte ang ambag ng mapayapang rebolusyon sa demokrasya sa bansa.

"Mahigit 3 dekada na ang nakalipas nang ipamalas natin sa buong mundo ang ating tapang at paninindigan na baguhin ang landas ng ating kasaysayan," ani Duterte sa kaniyang mensahe.

"[A]ng rebolusyon sa EDSA ang nagsilbing sagisag ng ating paninindigang ipaglaban ang tama at… ipagsanggalang ang ating malayang pamumuhay."

"Nawa ay pagkaisahin tayo ng okasyong ito… Pagyamanin pa natin ang ating demokrasya sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating mga mamamayan," anang pangulo.

Nakiisa naman si Vice President Leni Robredo sa paggunita ng EDSA People Power Revolution sa Naga City.

Dumalo si Robredo sa St. Jude Thaddeus Parish Church sa Naga City para sa alas-8 misa nitong umaga ng Linggo.

Misa ito para sa paggunita ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. 

Pinangunahan ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang misa.

Sa kaniyang homiliya, binalikan ng arsobispo ang mga mahahalagang pangyayari noong mapayapang rebolusyon.

Hinikayat niya rin ang mga parokyano na paigtingin pa rin ang pagmamahal para sa lahat at sa bansa sa kabila ng aniya’y mga hadalang sa demokrasya ng bansa.

Nagsindi rin ng kandila at nag-alay ng panalangin para sa demokrasya ang mga nagsimbang kinatawan ng iba’t ibang sektor.

Sa mensahe naman ni Robredo, sinabi niyang dapat hindi lamang alalahanin ang mga nangyari noong EDSA People Power, dapat rin aniyang isapuso ang mga naging aral at leksiyon nito sa bawat Pilipino.

[PLEASE EMBED PHOTOS ATTACHED]

Pagkatapos ng misa pinangunahan rin ni Robredo ang pagpapalipad ng mga puting kalapati bilang simbolo ng kalayaan.-- Ulat nina Jervis Manahan, Arra Perez, Lyza Aquino, at Kate Delovieres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.