Lalaking nagligtas ng 83, patay nang bumalik sa nasusunog na mall

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2017 10:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Itinuturing na bayani ang nasawing empleyado ng nasunog na NCCC Mall sa Davao matapos tulungang makalabas ang 83 indibidwal na na-trap sa gusali.

Kinilala ng lokal na pamahalaan ang kabayanihan ni Melvin Gaa na tumulong para makalabas ang 83 empleyado ng SSI call center sa kasagsagan ng sunog.

Pero kasama sa namatay ang empleyadong si Gaa nang bumalik pa sa gusali para sagipin ang iba pang na-trap.

Inventory clerk ng mall si Gaa na bahagi rin ng NCCC emergency action team.

“Melvin Gaa is an NCCC employee and also one of the trained disaster responders nila,” ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte.

Nalulungkot naman ang pamilya Gaa sa nangyari pero ipinagmamalaki ng kaniyang asawang si Rocela ang ipinakitang kabayanihan nito.

Si Gaa ang huling nakilalang bangkay ng forensic team.

Samantala, bumubuhos ang mga nakikiramay sa mga namatayan.

Kabilang sa namatay ang kakakasal lang na si Mary Joy Hope Daluro.

Sabi ng kaniyang asawa na si Chad Daluro, magre-resign na sana sa Disyembre 30 ang biktima para pagtuunan ng pansin ang buhay-pamilya.

Posible rin umanong buntis ang kaniyang misis.

Sinisisi naman ni Chad ang sarili dahil hindi nailigtas si Mary Joy na nakausap niya pa sa cellphone habang nasusunog ang mall.

Ikinuwento rin ng limang air condition technicians ang naging karanasan sa sunog.

Nakuhanan sila ng cellphone video na nasa rooftop ng gusali at humihingi ng tulong. Umakyat pa sila ng billboard para ma-rescue.

Nasa fourth floor sila para paandarin ang air-con ng sinehan nang sumiklab ang sunog.

Sabi ni Jireh Duverte, sinubukan pa nilang lumabas papasok sa pinto ng SSI office pero dumaan sila sa condenser ng air-con hanggang makarating sa roof top dahil sa kapal ng usok at matinding init.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa sunog kung saan tinatayang P1.6 bilyon ang napinsala.

Pero itinigil muna ng BFP ang retrieval operations dahil may narinig na pagsabog sa gusali.

-- Ulat ni Vina Araneta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.