9 sa 17 Metro Manila mayors OK sa MGCQ sa Marso | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

9 sa 17 Metro Manila mayors OK sa MGCQ sa Marso

9 sa 17 Metro Manila mayors OK sa MGCQ sa Marso

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Siyam sa 17 mga alkalde sa Kamaynilaan ay pabor na ilagay ang lugar sa modified general community quarantine (MGCQ) para mabuhay ang ekonomiyang pinadapa ng mas mahigpit na quarantine restrictions.

Ito ang naging botohan sa Metro Manila Council - na samahan ng mga alkalde sa Kamaynilaan - kasunod ng hirit ng economic managers ng pamahalaan na luwagan ang lockdown protocols para makarekober ang ekonomiya sa mga epekto ng lockdown para makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, karamihan sa mga alkalde ay umaaray sa tindi ng epekto sa kani-kanilang lugar ng malawakang kawalan ng trabaho, pagsasara ng negosyo at posibleng pagkagutom ng mga mamamayan.

"Nakakatakot din naman 'yung nangyayari ngayon ang nakikitang nagugutom at walang trabaho. Dahil dito tiningnan nila mabuti at ang naging posisyon ay siguro MGCQ para nang sa ganoon may tamang-tamang economic activity at the same time naka-calibrate pababa," ani Abalos.

Maaalala na noong Marso 2020 ay inilagay ang Metro Manila sa enhanced community quarantine- pinakamahigpit sa apat na quarantine protocols.

ADVERTISEMENT

Pagkatapos ng dalawang buwan, isinailalim ito sa GCQ, at pansamantalang inilagay sa modified ECQ noong unang 2 linggo ng Agosto para mabigyan ng panahon ang mga frontliner na makarekober sa pagdami ng COVID-19 cases.

Magmula noon, nanatili sa GCQ ang Metro Manila. Kamakailan, nanawagan ang economic managers ng gobyerno na luwagan na sa MGCQ ang buong Pilipinas simula sa Marso para tuluyang makarekober ang ekonomiya. Pero tinutulan ito ng ilang eksperto.

Nanawagan din ang mga alkalde na buksan na at itaas ang porsiyento ng mga taong maaaring lumabas at pumunta sa mga establisimyento gaya ng simbahan, arcade, conferences, at ibang entertainment hub.

Sang-ayon din ang mga alkalde na payagang lumabas ang mga edad 15 anyos hanggang 65 anyos. Sa ilalim ng kasalukuyang classifications sa Metro Manila, mga taong may edad 18 hanggang 65 lang ang puwedeng lumabas.

Pero kahit pipihit na sa MGCQ, hindi tatanggalin sa mga alkalde ang kapangyarihan nilang magdesisyon pagdating sa pagpapatupad ng calibrated lockdowns sa kani-kanilang lugar.

Sa ilalim ng rekomendasyon ng National Economic Development Authority, ipapatupad ang localized lockdowns sa barangay o municipal level, habang unti-unting dadagdagan ang kapasidad ng pampublikong transportasyon mula 50 hanggang 75 porsiyento, at unti-unti nang payagan ang mga nasa edad 5 hanggang 70 na lumabas.

Nais ding simulan ulit ang face-to-face classes.

Patuloy naman na pinag-uusapan ng mga alkalde ang pagbubukas ng mga sinehan - na nauna na nilang tinutulan.

Nanawagan din ang Metro Manila Council na luwagan na ang restrictions pagdating sa mga pampublikong sasakyan at unti-unti nang payagan ang paglabas ng mga may edad 5 hanggang 70 anyos.

Watch more in iWantv or TFC.tv

'PAUNTI-UNTI DAPAT'

Isa sa bumoto laban sa MGCQ si Navotas mayor Toby Tiangco, na nagsabing dapat "paunti-unti" ang ginagawang pagluwag sa mga lockdown.

"Gusto naman talaga natin mabuhay 'yung ekonomiya. Ang difference lang siguro, dito is 'yung paraan. Ang sa 'king pananaw is 'yung slow but sure," ani Tiangco.

Si San Juan Mayor Francis Zamora, na isa sa mga kumontra, nakiusap pa rin sila na unti-untiin ang pagluluwag.

"'Wag naman sobrang biglaan kasi ayaw naman nating ma-shock lahat because it might just waste the 11 months that we have all been through in terms of implementing lockdowns in our cities. Tandaan niyo ang pressure po nasa amin, ang responsibilidad nasa amin," ani Zamora.

Para naman kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, isa sa mga kumontra, dapat ding mas damihan ang mga classroom para maipatupad ang physical distancing.

Pinag-aaralan naman ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na pabigatin ang multa sa mga lalabag sa health protocols.

Nagpasalamat naman ang Malacañang sa suporta ng mga alkalde.

"Ito po'y hindi naman po desisyon na hindi po nakabase sa siyensiya at sa realidad. Ang totoo po, mas marami nang nagugutom, mas marami na pong namamatay sa mga kadahilanan na iba po sa COVID-19," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Tatalakayin ang mga rekomendasyong magpatupad na ng MGCQ sa buong bansa sa Cabinet meeting sa Lunes para sa pinal na desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-- May mga ulat nina Doris Bigornia at Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.