Paghingi ulit ng time out ng frontliners, pinangangambahan kung ma-MGCQ ang buong bansa | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Paghingi ulit ng time out ng frontliners, pinangangambahan kung ma-MGCQ ang buong bansa

Paghingi ulit ng time out ng frontliners, pinangangambahan kung ma-MGCQ ang buong bansa

ABS-CBN News

Clipboard

Kausap ng isang health worker ang pasyente sa labas ng San Juan Medical Center sa N. Domingo, San Juan City noong Abril 17, 2020. Gigie Cruz, ABS-CBN News/File


MAYNILA - Nangangamba ang isang grupo ng mga doktor sa bansa na maulit ang hiling na 'time out' ng mga medical frontliner sa posibleng pagdami ng coronavirus disease (COVID-19) cases ngayong hinihiling ng gobyerno na ilagay ang Pilipinas sa pinakamaluwag na quarantine protocols na inilatag ng pandemic task force.

Sa TeleRadyo, sinabi ni Dr. Maricar Limpin, bise presidente ng Philippine College of Physicians, na baka maulit ang nangyari noong 2020 na hindi na halos makapagpahinga ang mga health worker sa pagdami ng COVID-19 cases, kung isasailalim sa modified general community quarantine ang buong Pilipinas.

"Kailangan umusad tayo kahit paunti-unti. Huwag yung uusad ka, tapos bigla ka na namang aatras. Yun ang pinakamasakit sa lahat. Ayaw na ho naming gawin yung ginawa namin noon na nanghingi ho kami ng time out," ani Limpin.

Noong nakaraang taon, humiling ng "time out" ang mga frontliner sa Metro Manila - na nagluwag sa general community quarantine noong Hunyo - at humirit na ibalik sa enhanced community quarantine ang rehiyon dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.

ADVERTISEMENT

Watch more in iWantv or TFC.tv

Napagbigyan noon ang hiling ng mga frontliner, at isinailalim sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila nang dalawang linggo noong Agosto.

Pero sakaling isailalim na ang buong bansa sa MGCQ, may mga payo si Limpin para maproteksyunan ang sarili.

Una, dapat sumunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, at pagsunod sa physical distancing, ang publiko.

Isuot aniya nang tama ang face mask. Ibig sabihin, dapat nakatakip ang ilong at bibig habang hindi pa itinataas o ginagawang visor ang face shield.

Dapat ding pumili ng mask na may 3 layers. Kung magko-commute papasok ng trabaho, magdalawang-isip nang sumakay kapag masikip o siksikan sa loob ng jeep.

Higit sa lahat aniya, dapat siguraduhing malakas at handa ang pangangatawan.

Ang maraming parte ng bansa ay naka-MGCQ, habang ang Metro Manila - ang episentro ng pandemya - at ang ilan pang lugar ay naka-general community quarantine sa kasalukuyan.

Umakyat nitong Martes sa 552,246 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, kung saan, 28,926 o 5.2 percent nito ay active cases.

Ang mga namatay dahil sa sakit ay umabot na sa 11,524, habang 511,796 naman ang mga gumaling.

Unang nakapagtala ang bansa ng naturang sakit noong Enero 30, 2020.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.