5 sundalo patay sa pamamaril sa loob ng kampo sa Cagayan de Oro

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2023 12:14 PM | Updated as of Feb 11 2023 07:49 PM

CAGAYAN DE ORO (2nd UPDATE) - Patay ang apat na sundalo at isa ang sugatan matapos barilin ng kanilang kasamahang sundalo sa loob ng kampo ng Philippine Army 4th Infantry Division sa lungsod na ito, madaling araw ng Sabado.

Napatay naman ng isa pang kapwa sundalo ang namaril nilang kasamahan, ayon kay Maj. Francisco Garello, Jr., spokesperson ng 4th ID.

Ani Garello, natutulog ang mga biktima sa Headquarter Service Support Battalion nang pagbabarilin gamit ang M16 rifle.

"After firing the shots towards yung ating 4 na sundalo, the suspect proceeded to another room. However, there were two soldiers na already alert na, then nakita nila na papasok pala doon. So they managed to neutralize yung suspect," sabi ni Garello sa isang panayam sa isang local radio station.

"Nag-grapple sila doon sa armas. And eventually, naputukan yung suspect in self-defense doon sa sundalo natin, in defense doon sa kasama nila na pinasok sa room," dagdag niya.

Ginagamot sa station hospital ng kampo ang sugatang sundalo. 

Hindi muna pinangalanan ang mga nasawi at nasugatan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa pamamaril.

Agad namang bumuo ng board of inquiry ang 4th ID para sa sariling imbestigasyon.

"Mag-collaborate ang investigator sa COCPO ug ang sa Armed Forces para makuan kung unsa gyud ang motibo nganong nahitabo ni nga insidente," sabi ni Cagayan de Oro City Police Offce spokesperson P/Lt. Col. Evan Viñas.

(Magko-collaborate ang investigator ng COCPO at ng Armed Forces para malaman kung ano talaga ang motibo sa nangyaring insidente.)

Sabi ni Col. Xerxes Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Army, "isolated case" ang pangyayari.

"An internal investigation is conducted by the Army to identify what triggered this incident, and identify gaps in our recruitment process and rigid trainings in order for us to avoid similar incidents in the future," aniya.

Bukod sa pakikiramay, tiniyak ng pamunuan ng Philippine Army ang pagbibigay ng suporta sa mga naiwan ng mga namatay na sundalo, sabi ni Trinidad.

- may ulat ni Rod Bolivar