PatrolPH

3 sundalo patay nang magbarilan sa Army camp sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 03:53 PM | Updated as of Feb 01 2020 04:25 PM

(UPDATE) Patay ang tatlong sundalo nang magkabarilan sa loob ng Army camp sa Barangay Liang, Patikul, Sulu gabi ng Biyernes. 

Kinilala ang mga namatay na sina Maj. Rael Gabot, 1Lt. Ryan Lamoste, at Cpl. Jack Indap. 

Sa inisyal na imbestigasyon, kinompronta umano ni Lamoste si Indap matapos umano nitong dibdiban si Private Ralph Patongao, isang duty steward sa unit officers' mess hall. 

Inamin ni Indap na nakainom siya, kaya't inutos ni Lamoste na maalis siya sa kaniyang puwesto. Nauwi ito sa alitan. 

Inawat umano sila ni Gabot, at dito na namaril si Indap. Tinamaan niya sina Gabot at Lamoste. Nabaril naman ng isang sundalo si Indap. 

Agad na dinala ang tatlo sa Camp Bautista Station Hospital sa Headquarters ng 11th Infantry Division sa Jolo pero idineklarang dead on arrival. 

Agad namang inabisuhan ang mga pamilya ng mga sundalo matapos ang insidente. 

Patuloy na iniimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Jolo police ang insidente. 

Ikinalungkot ng Joint Task Foce Sulu ang nangyari at nangakong magiging maayos ang imbestigasyon. 

-- Ulat nina Chrislen Bulosan at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.