Mga taga-HPG na sangkot sa kidnapping sa Laguna may iba pang biktima? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga taga-HPG na sangkot sa kidnapping sa Laguna may iba pang biktima?

Mga taga-HPG na sangkot sa kidnapping sa Laguna may iba pang biktima?

Angela Coloma,

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Naniniwala ang mga mahal sa buhay ng isang negosyante at isang ahente na kinidnap umano ng mga pulis at sibilyan sa Laguna na may iba pang biktima ang mga suspek.

Una nang sinabi ng CIDG-Quezon na suspek ang 5 pulis at 4 na sibilyan na nasa Highway Patrol Group sa Calamba sa pagkawala ng negosyanteng si Jaime Faramil Jr. at ahenteng si Rodrigo Duena noong Disyembre 26, 2021.

Galing pa ng Naga City si Faramil para bumili ng sasakyan sa Laguna kasama si Duena.

Parehong hindi na makontak ang dalawa matapos makipagkita sa isang “Irene de Guzman” na nagbebenta umano ng Strada sa Timbao, Laguna noong Disyembre 29, 2021.

ADVERTISEMENT

Nalaman ng mga kamag-anak ni Faramil na may withdrawals sa bank account ni Jaime noong Disyembre 30-31, 2021, na umabot sa P84,000.

Natagpuang patay si Duena sa Tayabas, Quezon noong Disyembre 30.

Hinahanap pa rin hanggang ngayon si Faramil.

Ayon kay "Jiemene", partner ni Duena, may dalawang tama ng bala sa ulo, naka-brief lang at nakagapos gamit ang duct tape si Duena nang matagpuan siya.

Aniya, ganito rin umano ang dulog sa kanila ng ibang biktima nang lapitan sila ng mga kamag-anak nito.

"Ang daming family na nabiktima ng grupo na ito. Natakot lang sila na [lumapit]," ani Jiemene sa panayam sa Teleradyo.

Sa bisa ng search warrant, pinuntahan ng CIDG ang impounding area ng Highway Patrol Group sa Brgy. Paciano Rizal, Calamba kung saan nakita sa isang silid ang cellphone at ID nina Duena at ni Faramil, isang baril at ilang bala.

Ayon kay Jiemene, bukod sa mga ID nina Duena at ni Faramil, natagpuan din ang "sandamakmak" na ID na pinaniniwalaang sa mga iba pang biktima.

"Nangilabot po ako nung nakita ko. Ang daming mga vape, mga relo. Marami po," ani Jiemene.

Ayon naman kay Andrew Zano, kapatid ni Faramil, may mga lumapit din umano sa kaniyang mga biktima matapos niya ikuwento ang pangyayari sa social media.

"Noong nagpost ako ang damin sa amin na nagmessage na diyan kami dinala buti nagmakaawa kami," ani Zano.

Kinwestiyon din ni Zano ang pagkawala ng motorsiklo ng kanyang kapatid habang nasa kustodiya umano ng Silang Police.

Aniya, nabalitaan niya na natagpuan ang hiniram na pick-up ni Faramil sa Silang, Cavite, noong Enero 3. Kasama sa natagpuan ang motorsiklo na binili ni Faramil sa ka-transaksyon bago siya nawala.

Ayon kay Zano, nawala ang motorsiklo matapos sabihin ng mga pulis na sila na ang bahala sa mga sasakyan.

"Sabi ko mag-check ng CCTV. Na-check namin. Sinundo ang sasakyan 2:30-3 am, may kumuha doon na Montero na gray. Yung pick-up na ebidensiya sana. Kung makikita niyo sa video sinundo po siya 3 am po yan. Kumbaga kinuha ang sasakyan... Yung ginamit ng kapatid ko, na may motor pa sa likuran kinuha doon," aniya sa panayam sa TeleRadyo.

"Ngayon sabi ko sa Silang police 'bakit hindi niyo pinasiguro?' Negligence of duty niyo yan. Ang sabi lang sa'kin ng Silang Police hindi namin alam na mawawala yan. 'Yan ang sabi sa'kin hindi namin alam na mawawala yan sabi ko dapat pinabantayan 'yon. Tapos ano sabi nila magiimbestiga na lang kami," ani Zano.

Una nang sinabi ni HPG director Brig. Gen. Rommel Marbil na inilagay sa restrictive custody ang mga HPG personnel na isinasangkot sa krimen habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.