5 pulis, 4 iba pa sangkot umano sa pagkawala ng negosyante, pagkamatay ng ahente | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

5 pulis, 4 iba pa sangkot umano sa pagkawala ng negosyante, pagkamatay ng ahente

5 pulis, 4 iba pa sangkot umano sa pagkawala ng negosyante, pagkamatay ng ahente

ABS-CBN News

 | 

Updated Feb 11, 2022 04:21 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA — Labis ang pag-aalala ng pamilya ng negosyanteng si Jaime Faramil Jr. dahil mahigit isang buwan na siyang nawawala simula nang lumuwas siya mula Naga City noong Disyembre 26, 2021.

Kukunin lang umano ni Jaime ang motorsiklong binili kasama ang ahente ng sasakyang si Rodrigo Duena gamit ang isang pick-up na hiniram lang sa kaibigan.

Noong Disyembre 29, may katransaksyon pa umano sila Jaime para bilhin ang isang sasakyan sa Biñan, Laguna. Babae umano ang ka-text nila, pero lalaki ang sumipot sa tagpuan.

Ayon sa kuya ni Jaime na si Andrew, Disyembre 30 nang huli niyang makapalitan ng text ang kapatid.

ADVERTISEMENT

“Sabi ko, 'Asan ka? Sabi niya, 'Dito ako sa sasakyan, kausap ni Rodrigo Duena, 'yung seller.' And then... nakokontak ko pa siya. Nagri-ring na lang, hindi na sumasagot. Doon ako kinabahan. Tapos 'yung Rodrigo Duena, may mga text na siya sa akin na parang nasa trouble na siya noon.”

Dahil hindi na makontak ang kapatid, humingi na sila ng tulong sa pulis.

Nalaman nila Andrew na may mga withdrawal transaction sa bank account ni Jaime, na umabot sa P84,000. Ayon sa bangko, dalawang beses nagkaroon ng withdrawal, sa Santa Rosa, Laguna at Dasmariñas, Cavite.

Bukod sa withdrawals, may dala pa umanong cash sila Jaime.

Kalaunan, natagpuang patay si Rodrigo sa Tayabas, Quezon.

Noong Enero 3, nabalitaan nila Andrew na nakita na ang sasakyan nila Jaime sa Silang, Cavite, pero wala na ang motorsiklo.

“May nagsundo na Montero na kulay gray, mga 2:30 to 3 a.m. Tapos 'yung kapitan dun, kinausap namin. Kinausap ng CIDG, nag-ooffer pala 'yung kapitan na bantayan sana ng mga barangay tanod niya," ani Andrew.

"Ang sabi ng mga pulis, 'Huwag na, kami na ang bahala.' Silang bahala, pero nawala.”

Ayon sa imbestigasyon ng CIDG-Quezon, natukoy na suspek ang limang pulis at apat na sibilyan na nasa Highway Patrol Group sa Calamba.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng CIDG ang impounding area ng HPG sa Brgy. Paciano Rizal, Calamba noong Pebrero 4.

Wala doon ang mga taong nasa search warrant, pero nakita sa isang silid ang cellphone at ID nina Jaime at Rodrigo, isang baril at ilang bala.

Ayon kay Andrew, walang baril ang kapatid niya.

Napag-alaman din niyang ang katransaksyon nina Jaime na babae ay isa palang lalaki.

“Nakuha na 'yun sa ginawang pag-imbestiga ng CIDG. 'Yung Irene, kung sino talaga 'yun, striker siya ng Highway Patrol," aniya.

Sa inilabas na pahayag ng hepe ng HPG na si Police Brig. Gen. Rommel Marbil, sinabi niyang nasa ilalim na ng restrictive custody ang kanilang mga tauhan habang tumatakbo ang imbestigasyon.

Hindi umano kukunsintihin ng HPG ang kanilang mga tauhan kung napatunayang may kinalaman sila sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng CIDG sa insidente pero wala pa silang inilalabas na pahayag.

Dahil wala pa ring balita ang pamilya ukol sa kinaroroonan ni Jaime, nanawagan ang kaniyang inang si Myrna Faramil sa mga puwedeng makatulong sa kanila.

“Mas gusto ko pong mawala na ako kasi matanda na ako eh. Kahit palit na lang kami, 29 lang 'yung anak ko. Masakit na masakit. Durog na durog na po ako," aniya.

Pakiusap ng pamilya, kung sino man ang may nakakaalam ukol sa pagkawala ng biktima, makipag-ugnayan lang sa kanila o sa mga awtoridad.

— Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.