PatrolPH

2 patay, 408 apektado ng diarrhea outbreak sa Davao Oriental

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2022 09:49 PM

Kuha ng Davao Oriental Information Office
Kuha ng Davao Oriental Information Office

Dalawa ang patay habang umabot na sa 408 na mga residente ang apektado ng diarrhea outbreak sa bayan ng Caraga, Davao Oriental.

Isang 11-buwan na sanggol at 57-anyos na lalaki ang mga nasawi dulot sa outbreak na kumalat na sa anim na barangay sa Caraga, ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Huwebes.

Nagtayo ng maliit na pagamutan ang lokal na pamahalaan at nanatili sa mga health center ang mga pasyente para matutukan ang kanilang kalagayan.

May ilang isinugod sa mga ospital sa mga karatig-lugar dahil sa malubhang dehydration.

Ang maruming tubig sa lugar ang umano’y posibleng dahilan ng pagkakasakit ng mga residente.

Sa panayam kay Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang, nagtulong-tulong ang mga residente para makapagsagawa ng clean-up drive at chloronation.

“May mga gamot tayong pinadala, na kung saan pwedeng ilagay sa tubig para pwedeng mainom. So, no need magkaroon ng rasyon ng tubig dahil tine-treat na natin 'yung mga tubig na iniinom nila,” aniya.

Magpapatupad na umano sila ng regular na paglilinis sa mga water reservoir para masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Noong Oktubre 2021, nagkaroon din ng diarrhea outbreak sa bayan ng Caraga kung saan naapektuhan ang 80 na mga residente at isa ang positibo sa cholera.

— Ulat ni Chrislen Bulosan

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.