Buhangin at bato mula sa Bulkang Mayon, ikinabubuhay ng ilan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Buhangin at bato mula sa Bulkang Mayon, ikinabubuhay ng ilan

Buhangin at bato mula sa Bulkang Mayon, ikinabubuhay ng ilan

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 01, 2019 05:30 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kung perwisyo para sa iba ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, biyaya naman para sa mga quarry operator ang mga bato at buhanging iniluluwa nito.

Ayon sa civil engineer na si Robert Magayanes, mas pinipili ang buhangin mula sa Mayon dahil sa kalidad nito.

"Maganda siyang binder sa concrete, talagang kumakapit yung semento at gravel," paliwanag ni Magayanes sa panayam ng ABS-CBN News.

Marami ang mga quarry operator sa paanan ng bulkan dahil mataas ang pangangailangan sa Albay sand, na umaabot hanggang Visayas at Mindanao.

ADVERTISEMENT

Kahit nasa loob ng danger zone, normal ang trabaho sa quarry site malapit sa bulkan.

"Nakakadating ng Bohol, Dagupan 'yong mga order kasi mas maganda ang buhangin dito," sabi ni Gemalyn Rosales, kalihim ng isang construction company.

Pero taliwas naman ang kalagayan ng mga all-terrain vehicle (ATV) operator, na ginagawang hanapbuhay ang pagbiyahe ng kanilang mga behikulo malapit sa paanan ng bulkan.

"Walang pumapasok ... delikado eh so we have to abide," anang ATV operator na si George Cordovilla.

Ayon sa sangay ng Department of Tourism (DOT) sa Bicol, maparurusahan ang mga ATV operator na magdadala ng turista sa loob ng danger zone habang patuloy ang delikadong aktibidad ng bulkan.

Delikadong hangin

Peligro sa kalusugan naman ang hatid ng abong ibinubuga ng bulkan sa mga residente.

Lumabas kasi sa isinagawang air quality monitoring ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Bicol na hindi ligtas ang hangin sa ilang lugar sa Albay.

Sa sentro ng Guinobatan, umabot sa 3,580 ang total suspended particulates sa hangin o mga malalaki at maliliit na bato na delikado sa kalusugan ng mga tao, lalo na sa may mga sakit sa puso at baga.

"Very unhealthy siya, meaning, dapat hindi ka na nga magpupunta sa mga lugar na 'yan," ani Eva Ocfemia, director ng EMB Region 5.

Peligroso rin sa kalusugan ang kalidad ng hangin sa ilang lugar sa Ligao City na karatig-lungsod ng Mayon.

Sa huling tala ng pamahalaang lokal, umabot na sa higit 84,000 katao ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa ngitnit ng bulkan.

Nasa P105 milyon naman ang halaga ng danyos ng aktibidad ng bulkan sa agrikultura at higit P25 milyon naman sa livestock at poultry.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Malakas na pagsabog, posible pa rin

Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang posibilidad ng isang malakas at tuloy-tuloy na pagsabog, sa kabila ng pahinto-hintong pagsabog nito.

"Mayroon pa ring magma sa ilalim na continuously umaakyat patungo sa crater," ani Paul Alanis, science research specialist ng Phivolcs.

Umabot na sa higit 50 pagsabog ang naitala ng Phivolcs mula nang unang mag-alboroto ang Mayon noong Enero 13, kabilang ang mga maliliit na lava fountaining o pagbuga ng lava.

Pero ayon sa Phivolcs, hindi mahalaga ang dalas dahil may posibilidad pa rin ng isang tuloy-tuloy o sustained eruption.

Ito ang magiging dahilan sa pagtaas ng alert level 5, ang pinakamataas na alert level warning.

"Mayroon din siyang instance na tumahimik and then nagkaroon ng isang malaking eruption," paliwanag ni Alanis.

Sa kasaysayan kasi ng Mayon, sinabi ni Alanis na may mga pagkakataong tahimik talaga ito.

"There are instances na medyo nagiging quiet siya prior to a large eruption, for example [noong] 1984," ani Alanis. "Huwag po tayong masyadong maging kampante."

Nagdaos din nitong Huwebes ng isang misa sa Cagsawa Ruins sa Daraga, Albay bilang paggunita sa ika-204 anibersaryo ng mapaminsalang pagputok ng Mayon, na ikinamatay ng higit 1,000 residente.

Noong Miyerkoles, namangha naman ang mga nasa Albay sa tanawin ng "super blue blood moon" kasama ang nag-aalborotong bulkan.

-- Ulat nina Jose Carretero at Jeff Canoy, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.