PatrolPH

COVID-19 drive-thru testing sa Maynila bukas na ulit

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2021 12:53 PM

COVID-19 drive-thru testing sa Maynila bukas na ulit 1
Muling binuksan nitong Enero 4, 2021 ang COVID-19 drive-thru testing center sa Quirino Grandstand sa Maynila. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA — Muling binuksan ngayong Lunes ang COVID-19 drive-thru testing center sa Quirino Grandstand sa lungsod na ito matapos isara nang 2 linggo para sa holiday break.

Dahil dito, maaari na ulit pumila ang mga motorista, kahit iyong mga hindi residente ng Maynila, para sa libreng serology test.

Bukod sa drive-thru test, binuksan na rin ang walk-in COVID-19 serology test sa mga ospital tulad ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila. Libre rin ang testing sa mga ospital.

Magugunitang kamakailan ay ianunsiyo ng Maynila na kailangan ng dumaan sa swab test ang lahat ng mga residente ng lungsod na nanggaling sa mga probinsiya para sa Pasko at Bagong Taon.

Watch more on iWantTFC

Layon ng bagong patakaran na matiyak na hindi kakalat ang COVID-19 sa lungsod, lalo't maraming nagbakasyon sa iba't ibang probinsiya noong holidays.

Dahil naman sa bagong patakaran, punuan sa ilang testing at quarantine facility sa lungsod.

Kailangan kasing manatili muna sa testing facility ang isang tao habang hinihintay ang resulta ng test nito.

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.