8 taong gulang, nagpipinta para maipagamot ang kapatid | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

8 taong gulang, nagpipinta para maipagamot ang kapatid

8 taong gulang, nagpipinta para maipagamot ang kapatid

ABS-CBN News

Clipboard

Hangarin ng 8 anyos na pintor na si Yonah Franceska "Chek" Toledo na mapagaling ang kaniyang nakababatang kapatid, na may kapansanan sa pagdinig.

Subalit 'di biro ang gastusin para maisalba ang isang tenga ng kapatid, kaya minabuti ni Chek na gamitin ang kaniyang talento upang makalikom ng sapat na pondo.

Binansagang "Little Artist" ng Legazpi City sa Albay si Chek. Tatlong taong gulang pa lang kasi nang magsimula itong magpinta.

Paintbrush ang laruan ni Chek sa murang edad gawa ng pagiging arkitekto ng kaniyang ama.

ADVERTISEMENT

"Nag-try po siyang mag-brush and using poster colors sa pillows namin ... From then on, paint po siya ng paint using watercolor," kuwento ng inang si Laura Toledo sa programang "Rated K."

Apat na taong gulang naman si Chek nang ipanganak ang kaniyang kapatid na si Buboy.

Subalit lumabas sa hearing test ni Buboy noong siya'y ipanganak na may problema ito sa pandinig. Kaliwang tenga na lang ang maaaring maisalba rito.

Aabot sa mahigit P200,000 ang halaga ng tuloy-tuloy na speech therapy ni Buboy sa Maynila.

Kung hindi uubra ang therapy, kakailanganin sumailalim ni Buboy sa cochlear implant na tatapat sa P1 milyong gastusin.

"Sinabi ko po kay mommy kung puwede po i-post ('yung painting) sa Facebook. Binenta ko po, nabili naman po," ani Chek.

Dahil sa mga magagandang likha ng dalagita, ilang mga lokal at banyagang kolektor ang pumakyaw ng kaniyang mga obra.

Sa katunayan, idinaos nitong Agosto ang kauna-unahang solo art exhibit ni Chek.

Unang araw pa lang ng exhibit, nagkaubusan na sa kaniyang mga obra.

Karamihan sa mga likha ni Chek ay larawan ng mga bulaklak dahil ito raw ang nagpapaalala sa kaniya kay Buboy.

'May sophistication'

Isa ang Bikolanang visual artist na si Djai Tanji sa mga napahanga ni Chek.

"Eye-catching 'yung colors niya ... tapos 'yung stroke niya, alam mong isang stroke lang siya to perfection," ani Tanji.

"May child-like quality siya yet may sophistication," dagdag pa nito.

Kabilang din sa mga bumili ng mga obra ni Chek ang mga ABS-CBN news anchor na sina Julius Babao at Ces Oreña-Drilon.

"Nandoon na 'yung talento, nandoon pa 'yung malalim na hangad na 'yung kaniyang ginagawa, may patutunguhan," ani Drilon.

Sa huli, itunutuon ni Chek ang kaniyang pansin sa pagpipinta para sa kapatid.

"Kapag nakarinig si Buboy, happy na po kami," ani Chek.

Para sa mga nais bumili ng mga painting ni Chek, maaaring tumawag sa opisina ng 'Rated K' (415-2272 local 5466) o magpadala ng e-mail sa ratedkofficial@gmail.com.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.