1 taon mula nang magka-lockdown, dating jeepney driver tuloy pa rin sa panlilimos sa kalsada | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

1 taon mula nang magka-lockdown, dating jeepney driver tuloy pa rin sa panlilimos sa kalsada

1 taon mula nang magka-lockdown, dating jeepney driver tuloy pa rin sa panlilimos sa kalsada

Josiah Antonio at Jonathan Cellona,

ABS-CBN News

 | 

Updated Mar 13, 2021 12:00 PM PHT

Clipboard

Binalikan ng dating jeepney driver na si Alberto Manuel Jr. ang pwesto kung saan nag-viral ang kanyang larawan habang nanlilimos sa Maynila nitong Marso 11, 2021. Larawan ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News.

MAYNILA — Kahit isang taon na ang lumipas nang isailalim ang kalakhang Maynila at ibang probinsiya sa lockdown, patuloy pa rin sa panlilimos ang 77 anyos na si Alberto Manuel Jr.

Kwento ng dating jeepney driver, mahina ang kita sa pamamasada ngayon at ang ilan nitong mga kapwa tsuper ay hindi rin nakakaabot sa boundary.

Kumikita si Manuel sa "pagkakalog" ng P400 hanggang P700 kada araw sa paglilibot sa kahabaan ng Rizal Ave. sa Maynila simula 10:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Ang paglilibot ng dating jeepney driver na si Alberto Manuel Jr. sa kasagsagan ng Rizal Ave., Maynila nitong Marso 11, 2021. Larawan ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News.

"Sabi nila mahina raw biyahe ngayon kako kumikita ako ng P400 o P700 simula P10 a.m. hanggang 5 p.m. May isang matanda roon hindi makaboundary kaya ginawa nung may-ari hindi na siya pinagmaneho," kwento ni Manuel sa ABS-CBN News nitong Huwebes.

ADVERTISEMENT

"Wala naman akong mailabas pa kaya may mga nagbibigay sa akin parang kilala ako, nagbibigay sa'kin ng barya, bente singkwenta, isang daan," dagdag pa niya.

Magugunitang nang ipatupad ang lockdown para mapigil ang pagkalat ng COVID-19, tigil pasada ang libu-libong mga jeepney at iba pang pampublikong sasakyan. Tumagal ng ilang buwan bago napayagan muli ang mga tsuper na mamasada, ngunit ang kita ay lalong hindi na sapat dahil sa mga ipinatupad na passenger limit at physical distancing sa loob ng mga sasakyan.

Paakyat ang dating jeepney driver na si Alberto Manuel Jr. sa kanyang inuupahang bahay nitong Marso 11, 2021. Larawan ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News.

Una nang nag-viral ang jeepney driver sa kanyang larawan sa ABS-CBN News habang nanlilimos sa nasabing lugar at naabutan ng tulong ng ilang mga netizens.

Nakapwesto siya noon sa isang garahe ng jeep ngunit ginawa na itong lugar ng mga tindahan kaya naman paikot-ikot na siya sa Rizal Ave.

"Dati roon ako sa may garahe ng jeep ngayon ginawang tinda-tindahan ... habang ginagawa nagkakalog pa rin ako sa may Abad Santos doon sa may Manuguit, Hermosa sa may stoplight doon," aniya.

Hawak-hawak ng dating jeepney driver na si Alberto Manuel Jr. ang lalagyan ng pera sa kanyang panlilimos nitong Marso 11, 2021. Larawan ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News.

Kwento pa ng dating tsuper, marami man ang nag-aabot ng tulong may ilan ding nangangako ngunit hindi na siya binabalikan.

"Maraming nangangako sa'kin kung ano kailangan ko sabihin ko lang halimbawa hihiling ako ng vitamins tas dadaan siya ng botika, bumili rin siya ng grocery para sa'kin," saad ni Manuel.

"Mayroon pa nga d'yan nagpunta sa'king babae sabi niya bibigyan niya ako ng tindahan ... kako wala akong pwesto alam tas sabi niya ako maghahanap eh 'di rin siya bumalik.

Balo na si Manuel at nakahiwalay sa 29 anyos na babaeng anak sa Marilao, Bulacan. Nananatili siya sa isang maliit na espasyo na inuupahan niya sa halagang P2,000 kada buwan.

Nag-aayos ang dating jeepney driver na si Alberto Manuel Jr. ng kanyang mga gamit sa inuupahang bahay nitong Marso 11, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News.

Aniya, ilang ulit na siyang hinihikayat ng anak na kuhain sa Maynila ngunit pinili pa rin niyang manatili dahil ito na ang nakasanayan niya.

Dagdag pa niya, hangga't kaya pa niya ay magpapatuloy pa rin siya sa pagkakalog para mabuhay ang sarili.

"Lumaki at nasanay na ako sa kalsada ... sanay ako sa trabaho eh. Para sa'kin sa pagkakalog ko, maraming tumutulong, maraming nagbibigay sa'kin."

Bukod sa pandemya, nangangamba din ang karamihan ng mga tsuper gaya ni Alberto dahil na rin sa napipintong pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeepney. Sa ilalim kasi ng public utility vehicle modernization program, hindi na papayagan sa kalsada ang mga lumang jeepney na umano'y hindi na ligtas sa daan. May pautang man ang gobyerno upang makabili ang mga operator ng mga modernong jeepney, malaking pasanin pa rin ang programa para sa mga kakaramput ang kita.

Sa mga nais tumulong kay Tatay Alberto maaaring magpadala ng tulong pinansyal sa kanyang mga bank accounts:

LANDBANK: SA-1436-0553-11

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.