PatrolPH

'Barya 'di lamang sa umaga': Netizens nagbibigay ayuda sa mga jeepney driver

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 08:01 PM

'Barya 'di lamang sa umaga': Netizens nagbibigay ayuda sa mga jeepney driver 1
Hinanap ng mga kabataan ang tsuper na si Alberto Manuel Jr. matapos lumabas ang larawan nito sa ABS-CBN News habang nanlilimos sa Rizal Avenue noong June 22, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nagtulong-tulong ang ilang mga netizens mula sa Facebook group na Quarantine Tribute Tips para magbigay tulong sa mga tsuper na nanlilimos sa kalsada dahil sa ilang buwan nang tigil pasada.

Kuwento ni Madeleine Alvaera, 19, nursing student ng Far Eastern University mula sa Pasig, nagsimula ang inisiyatiba nila nang hanapin ng isa ring miyembro ng grupo na si Ayla Conda ang matandang lalaking si Alberto Manuel Jr. na nakuhanan ng larawan ng ABS-CBN News na nanlilimos sa kalsada nitong Lunes.

Dagdag pa ni Alvaera, nang mahanap na ni Conda si Tatay Alberto noong Martes ay nagsimula na silang maglikom ng mga donasyon.

Pinambili nina Conda ng mga gamit tulad ng 10 kilong bigas, gulay, itlog, canned goods, face masks, alcohol at ilang mga toiletries at binigay ito kay Tatay Alberto at mga kasamahan nitong jeepney driver.

'Barya 'di lamang sa umaga': Netizens nagbibigay ayuda sa mga jeepney driver 2
Larawan mula kay Ayla Conda

Ayon kay Alvaera, hiling lang nila na matulungan ang mga tsuper na nahihirapan dahil ilang buwan nang hindi makabiyahe dahil sa bawal pa rin ang mga jeepney sa ilalim ng umiiral na quarantine.

“They are also on the risk of losing their jobs not just because of the pandemic but also due to the government's plans on implementing the modernization of jeepneys,” sinabi ni Alvaera sa ABS-CBN News.

Sa ngayon, si Alvaera ang namamahala sa pangangalap ng donasyon para sa mga tsuper samantalang sina Conda at ang anim pa nitong mga kasama ang bumibili ng mga ipamimigay na gamit.

“Super kita ng lahat 'yung hardwork [ni Ayla] even though super hirap due to the pandemic, super niri-risk niya and ng friends niya 'yung safety nila just to be able to help people who are in dire need," ani Alvaera.

Ayon kay Alvaera, sa Sabado mamimigay sina Conda sa mga jeepney driver sa Rizal Ave. at Blumentritt sa Maynila.

Dagdag pa niya, target nilang mamigay ng ayuda sa mga jeepney driver mula sa Taytay, Rizal, Sta. Rosa, Laguna, C-3, Caloocan at San Andres, Maynila.

"A lot of people are asking me when this fundraising thing I always tell my friends na I think this will never end na not until things will be okay and fine and sa nakikita ko, we’re not yet getting there," ani Alvaera.

"With this movement, we are also able to be the bridge between those people who have the means and the desire to help those people who are in need."

Sa ngayon, nakalikom na sila ng lampas P170,000 at patuloy pa ring tumatanggap ng tulong para sa iba pang tsuper sa Facebook page na Barya Di Lamang sa Umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.