Angeline Quinto inaming may non-showbiz boyfriend na

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2021 08:07 PM

 Screenshot mula sa vlog ni Karen Davila
Screenshot mula sa vlog ni Karen Davila


Bagamat hindi binanggit ang pangalan, proud na inamin ng singer na si Angeline Quinto na in a relationship na siya sa non-showbiz boyfriend niya. 

Sa vlog ng brodkaster na si Karen Davila, hindi itinanggi ni Quinto na masaya ang kaniyang puso ngayon kasama ang nobyo na mas bata umano nang kaunti sa kaniya.

Ayon sa mang-aawit, nakilala niya ito noong nakaraang taon dahil na rin sa mga kaibigan sa Sampaloc, Manila. 

“ ’Yung boyfriend ng kaibigan ko, ’yun ang kaibigan niya. One time, nagkayayaan lumabas. Doon kami first time na nagkita hanggang sa nagtuloy-tuloy,” kuwento ni Quinto.

Paliwanag pa niya, mas gusto niya ang boyfriend na wala sa showbiz dahil mas nais niyang maging pribado ang kanilang relasyon. 

“Parang gusto ko na mas private na lang. Kasi syempre ’yung trabaho natin masyado nang alam ng publiko,” ani Quinto. 

Inusisa rin ni Davila ang naging samahan ng singer kay Erik Santos na matagal nang naiuugnay sa kaniya dahil sa pagiging malapit nila sa isa’t isa. 

“Singing partner ko talaga siya. Isa sa mga matatalik kong kaibigan sa industriya,” paglilinaw nito. 

Ngunit inamin din niya na sinubukan nilang 2 magkarelasyon, ngunit napagtanto niya na mas bagay silang magkaibigan.

“Ginawa namin ’yun. Kaya lang para kaming natatawa sa isa’t isa. Kaya sabi ko ‘Pogs, ’wag nating pilitin. Talagang magkaibigan lang tayo.’ Kasi minsan magiging sweet kami tapos matatawa na lang kami,” paglalahad ni Quinto.

“Ang maganda sa’min ni Erik, sa sobra naming malapit na magkaibigan, lahat ng nangyayari sa buhay pag-ibig niya ay alam ko.”

Ipinagdiriwang ni Quinto ngayong taon ang kaniyang ika-10 anibersaryo sa entertainment industry kung saan magkakaroon ito ng 10-part concert mula Oktubre hanggang Pebrero