Ano ang napagtanto ni Nikko Natividad matapos ma-scam noon? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ano ang napagtanto ni Nikko Natividad matapos ma-scam noon?

Ano ang napagtanto ni Nikko Natividad matapos ma-scam noon?

ABS-CBN News

Clipboard

Kuha mula sa vlog ni Ogie Diaz
Kuha mula sa vlog ni Ogie Diaz

Hindi pa rin nakakalimutan ng aktor na si Nikko Natividad ang kaniyang pagiging biktima ng scam noong nakaraang taon kung saan natangay sa kaniya ang aabot sa P4 milyon.

Sa kaniyang pakikipag-usap kay Ogie Diaz, inamin ni Natividad na dumaan siya sa matinding depresyon dahil nalimas ang halos lahat ng perang inipon niya sa limang taong pag-aartista.

Kapwa sinisisi ng Hashtag member at ng partner nito na si Cielo Eusebio ang kanilang mga sarili matapos maloko sa pinag-invest-an ng kanilang pera.

Ayon sa aktor, marahil naging gahaman siya sa pera ng mga panahong iyon dahil nais niyang makapagpatayo ng sariling bahay.

ADVERTISEMENT

“Nagso-sorry kami sa isa't isa. 'Dapat hindi tayo napasok sa ganito, pinilit kita', sabi ng asawa ko. Sabi ko, 'hindi, ako ito'. Naging greedy ako. Siguro yun ang mali ko. Atat ako magkabahay. Naghangad ng maraming pera,” pag-amin ni Natividad.

Matatandaang napabalita ang nangyari sa “It’s Showtime” co-host noong Agosto 2020 kung saan isa siya sa nagreklamo sa NBI kay Shagoptha "Sha" Punzalan dahil sa investment scam.

Sa kuwento ni Natividad sa vlog ni Diaz, nakilala umano niya si Punzalan dahil nag-aalok umano ito ng murang rate sa mga hotel para sa mga artista.

Nang inalok umano siya nito kalaunan para mag-invest sa kaniyang negosyo bilang financer sa casino, may ipinakita naman umano ito mga DTI permit at mga valid IDs kaya naniwala ang aktor na hindi ito peke.

Unang naipasok ni Natividad ay P500,000 na nadoble matapos lamang ang isang buwan. Hindi naman ito nagduda dahil ipinasok naman ng suspek ang kinita niya sa account ng aktor.

Ngunit kinausap siya nito at tinanong kung gagamitin na ba ni Natividad ang pera. Kung hindi, mas maaari pa umanong lumaki ang kaniyang kikitain kung pagugulungin muna ang mga ito.

“Kahit sinong nasa sitwasyon na yun, hindi ka aayaw. Bakit ka aayaw? Kumikita ka malaki eh. Nakuha niya yung loob ko eh,” saad ni Natividad.

Dahil sa ganda ng takbo ng pera niya sa naturang investment, patuloy na nagpasok ng malalaking halaga si Natividad hanggang sa tuluyan nang itinakbo ang kaniyang pera.

Pumalo sa P4 milyon ang naibigay nito sa suspek, wala pa rito ang interes na kinita ng kaniyang pera.

Ayon sa aktor, umabot siya sa puntong mismong Diyos ang kinukwestiyon niya sa nangyari, lalo pa’t kasabay din ito ng pagsasara ng ABS-CBN.

“Sana sa P1-M pa lang, niloko na ako. Kung gusto akong turuan ni Lord, matututo naman ako. Bakit kailangan umabot sa ganun?” ani Natividad.

“Yung pera na 'yon, kinita ko sa malinis na paraan 'yon. Kaya sabi ko, ano kaya reason ni Lord?”

Dahil halos masimot ang kanilang ipon, naisipan na ni Natividad na bumalik ng Bulacan at itigil na ang pagrenta sa inuupahang bahay sa Metro Manila dahil baka hindi na kayanin ang pagbayad.

“Uuwi tayong talunan? Hindi. Laban lang,” pigil umano ni Eusebio sa long-time partner.

Dahil dito, nagbenta na lamang ng mga gamit ang dalawa katulad ng mga sapatos at appliances na katas din ng pagod niya bilang artista.

Unti-unti naman nang nakababangon si Natividad dahil sa kabila ng pandemya ay tuloy-tuloy pa rin ang pasok ng trabaho sa kaniya.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more in iWantv or TFC.tv

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.