PatrolPH

Mahal binisita ang kaibigang si Mura sa Bicol

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2021 09:38 PM | Updated as of Aug 17 2021 10:19 PM

Screenshot mula sa vlog ni Mygz Molino
Screenshot mula sa vlog ni Mygz Molino

Nananatiling malapit na kaibigan ni Mahal ang komedyanteng si Mura na kaniyang binisita sa Albay upang kumustahin. 

Sa vlog ng aktor na si Mygz Molino, sinadya mismo ni Mahal ang kaibigan sa tinitirhan nito sa Bicol na kinakailangan pang lakarin ng higit isang oras bago marating. 

Ayon kay Molino at Mahal, hindi kakayanin ng sasakyan na pasukin ang bundok kung saan nakatira si Mura kaya naman kinailangan nilang maglakad. 

Sinalubong sila ng komedyante upang sabayan maglakad papunta sa kanilang tahanan. Sa simula ay malakas pa ang loob ni Mahal na maglakad kasama si Molino habang si Mura na may problema sa paa ay sumakay na muna sa motor. 

Ngunit dahil umulan na nagresulta sa makapal na putik sa kanilang dadaanan, hindi na rin kinaya ng motor na dumaan kaya naman nagpabuhat na si Mura sa kamag-anak. 

Binuhat na rin ni Molino si Mahal upang baybayin ang maputik na daan papunta sa kasalukuyang tinitirhan ni Mura. 

Makalipas ang isa’t kalahating oras ay narating na nila ang bahay ni Mura kung saan ito abala na pagtulong sa kaniyang ama sa pagbubukid. 

Watch more on iWantTFC

Noong 2019 pa huling nagkita sina Mahal at Mura ngunit hindi naputol ang koneksyon ng dalawa na pinadalhan pa ng pambili ng gatas ang komedyante. 

Nang tanungin kung balak pa ba nitong bumalik sa showbiz, um-oo si Mura ngunit kailangan muna umano niyang palakasin ang kaniyang mga paa. 

“Hindi ko pa alam, kasi mahina na ang paa ko, eh. Kaya ko pa. Hindi ko alam eh pero gusto ko gumaling muna yung paa ko,” saad nito kay Molino. 

Ayon kay Mura, bumalik na noon ang lakas ng kaniyang mga paa matapos gumaling sa aksidente noong 2010 ngunit tila nanghina na naman ito sa mga nakalipas na taon. 

Nito lamang nakaraang linggo ay nag-viral ang video na kuha ng isang vlogger na si Virgelyn kung saan pinuntahan niya si Mura at inalam ang kalagayan nito sa Bicol.

Watch more on iWantTFC


 
Ayon kay Mura, 46, mula sa kanyang kinita sa pagtatrabaho sa showbiz ay nakabili siya ng tatlong hektaryang lupa sa Bicol noong 2005 sa halagang P75,000 na ngayon ay tinataniman niya ng saging, mais, niyog at iba pa.

Pag-amin ni Mura, hindi madali ang pang-araw-araw na buhay niya ngayon lalo't wala siyang trabaho. Pero para sa kanyang ama at pamilya ay tinatiyaga ni Mura ang pagbubukid.

“Mahirap. Kasi katulad sa akin, wala akong trabaho. Siyempre, gusto ko rin makabalik sa pag-aartista. Nagkaroon ng pandemic, hirap na ako makabalik doon, ang hirap ang biyahe-biyahe” ani Mura.

Maliban sa paglabas sa telebisyon ay naging bituin din sa mga pelikula si Mura kung saan ilan dito ay nakasama niya ang aktor at host ng "It's Showtime na si Vhong Navarro.

Ayon kay Mura, kung may pagkakataon ay nais pa rin niyang makapagtrabaho para makatulong sa kanyang pamilya. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.