PatrolPH

Francine Diaz, Seth Fedelin inaming ‘awkward’ sa simula ang loveteam nila

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2022 06:36 PM

Mula sa music video ng 'Muli' ni Ace Banzuelo
Mula sa music video ng 'Muli' ni Ace Banzuelo

MAYNILA – Hindi itinanggi nina Francine Diaz at Seth Fedelin na may kaunting ilangan sa pagitan nila sa unang proyektong ginawa bilang isang loveteam. 

Sa panayam ng Cinema News sa dalawa, umamin sila na awkward noong simula na magkapareha na sila sa isang palabas.

Ito ay matapos bumida sa music video ng awitin ni Ace Banzuelo na “Muli.”

Ayon kay Fedelin, nakasanayan na rin kasi nilang dalawa na iba ang kanilang ka-loveteam sa Gold Squad. Unang nakapareha ni Fedelin si Andrea Brillantes habang si Kyle Echarri naman ang katambal ni Diaz. 

“Parang awkward. Konting awkwardness kasi nakasanayan na namin na almost three years, apat kami na hindi lang kami dalawa lang ni Francine,” saad ng aktor. 

Watch more News on iWantTFC

Paglilinaw naman ni Diaz, hindi naman sa negatibong dahilan ang kanilang ilangan. Ito ay dahil lamang sa nagkatrabaho sila nang matagal na iba ang mga kasama. 

“Siguro kasi yung pagka-awkward po hindi naman yung sa point na bad. Nasanay po kami na yung loveteam namin before ay magkaiba,” dagdag ni Diaz.

Nakatakda ring bumida ang dalawang artista sa drama series na “Dirty Linen.” Dahil dito, hindi naiwasan ng host na si Bianca Gonzalez na usisain sina Fedelin at Brillantes tungkol sa mga basher nila.

Hindi naman umano nila masyadong iniisip ang mga kritiko lalo pa’t naging mainit ang pagtanggap ng publiko sa “FranSeth.”

“Nagulat kami na tinanggap po siya ng tao. Tinanggap po siya ng mga manonood lalo na nung unang labas,” ani Fedelin.

“Sinabi rin samin ng mga bossing na 'wow ha, walang bashing.' Kami pong dalawa hindi kami mahilig pumatol sa mga bashing. Yun po yung maganda saming dalawa. Hindi namin iniisip yung bashing.”

Hirit pa ng aktres, natutuwa sila ni Fedelin na hindi batikos ang tinanggap ng kanilang unang pagsasama ng aktor sa isang proyekto bilang magkatambal.

“Natutuwa po kami kasi ine-expect namin na hate yung mare-receive namin nung mismong storycon ng 'Dirty Linen.' Pero kabaliktaran siya, tinanggap kami ng mga tao. Yung tandem namin ni Seth. Nakakatuwa po,” banggit nito.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.