MAYNILA -- "Parang dito na ako hihingi ng tawad."
Ito ang paglalarawan ng rapper na si Skusta Clee sa bagong awitin na inilabas nila ni Gloc-9 na may pamagat na "Kumpisal."
Sa isang press conference, sinabi ni Skusta Clee na dumating sa tamang panahon ang awiting "Kumpisal" para sa kanya.
"Para sa akin 'yun na 'yung daan kasi kung magkukumpisal ako sa lahat nang nangyari hindi ko rin alam kung ano 'yung mga sasabihin ko," ani Skusta Clee na kailan lang ay naging laman ng balita dahil sa hiwalayan nila ng vlogger na si Zeinab Harake.
Dagdag na kuwento ni Skusta Clee, naisip na niya noon pa na gumawa ng isang kanta para sa Diyos.
"Gusto ko rin talaga. Tulad nang sinabi ko kanina na gusto kong gumawa ng mga ganoong klaseng kanta, hindi man 'yung like 'yung worship song talaga na. Parang dati ko pang naiisip na gumawa ng kanta about sa Kanya kung paano ko Siya kakausapin. Hindi ko lang alam kung paano ko sisimulan. Tapos sakto nga may gagawin kaming kanta ni Sir Gloc. Hindi ko rin ini-expect na ganoon ang topic. Ang inii-expect ko sa magiging collaboration namin ay kanya-kanya kami ng lyrics. Kumbaga ipapasa niya lang sa akin 'yung demo tapos ako ang gagawa ng lyrics. Nang ipinasa niya sa akin ay kanta na talaga 'yon. ...Nung napakinggan ko hindi na ako nagdalawang isip. Right after niyang sinend sa akin ang demo ay ginawan ko na rin agad," ani Skusta Clee.
"Sabi ko 'eto na yon, eto na yon.' Parang dito na ako hihingi ng tawad. Dito na ako, eto na 'yon. So sobrang perfect timing niya," dagdag ni Skusta Clee.
Sa naging panayam ni Toni Gonzaga kay Harake, inamin ng huli ang hiwalayan nila ni Skusta Clee na inakusahan din niya ng panloloko.
May anak na babae sina Skusta Clee at Harake. Nitong Abril nakunan naman si Harake sa isa pa sanang anak sana nila ng rapper.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.