‘Semi-formal?’: ‘Tawag ng Tanghalan’ hurados, nabuking na naka-shorts lamang sa show

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2021 08:47 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi nakaligtas sa mga host ng “It’s Showtime” ang outfits ng mga hurado ng “Tawag ng Tanghalan” segment ng noontime show kung saan nabuking ang mga ito na shorts lamang ang suot pang-ibaba. 

Nasa kani-kaniyang bahay sina Erik Santos, Jaya, at Louie Ocampo at nakakasama lamang sa palabas sa pamamagitan ng Zoom. 

Unang napansin ni Vhong Navarro na tila maganda at malaki ang background ng composer at nagsilbing punong hurado na si Ocampo sa kaniyang bahay. 

“Mukhang may magaganap na state visit mamaya sa kaniyang opisina,” pabirong banat ni Vice Ganda. 

Inusisa pa ng mga host si Ocampo bago tuluyang pinatayo sa kinauupuan upang malaman kung naka-short lamang ito. 

Nang tumayo ang kilalang composer sa bansa, tama ang hinala nina Vice Ganda at Navarro dahil bagamat naka-long sleeves ito sa pang-itaas, nakaputing shorts lamang ito sa ibaba. 

Dahil dito, pinatayo na rin nila pati si Erik Santos at Jaya na pawang naka-shorts lamang din. 

Biro ni Amy Perez at Navarro, tila may swimming na pupuntahan ang mga ito dahil pare-parehas kaswal na pang-ibaba lamang ang suot. 

Inamin din ni Vice na ganoon din ang gawain niya tuwing dumadalo sa isang Zoom meeting dahil sayang naman umano kung kumpleto pa ang outfit.

“Ako rin pag nagzu-Zoom ako, putok makeup ako pero panty-panty lang ako. Dedma na. Sayang outfit,” ayon sa host. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.