Rita Avila may bwelta sa ‘trolls’ tungkol sa pagiging ‘bold star’ noon

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2022 05:07 PM

Mula sa Instagram ni Rita Avila
Mula sa Instagram ni Rita Avila

Hindi napigilan ng beteranang aktres na si Rita Avila na bumanat kontra sa mga “troll” na ginagamit umano ang pagiging “bold star” niya noon sa pambabatikos sa kaniyang opinyon sa pulitika.

Sa kaniyang social media accounts, nagbigay ng “Bold Star 101” si Avila para umano sa mga hindi pa ipinapanganak noong 1988-1990s kung saan nakilala ito sa kaniyang mga sexy roles kasama nina Rina Reyes, Cristina Gonzales at Gretchen Barretto.

Ayon sa aktres, nagmukhang sexy ang kanilang pag-arte dahil sa galing ng sining at pagtatakip nila sa mga bahagi ng katawan na dapat hindi makita. 

Sa kaniyang Facebook account naman, ipinagdiinan ni Avila na walang alam ang marami niyang kritiko tungkol sa mga ginawa ng “ST Queens” noon.

“Ang panahon namin ang pinaka-tamed sa mga bold stars. Puro naka 2-pc. Bare back shots. Leg shots. Halinghing halinghing lang. Walang pakita ng boobs at peps. Walang penetration dahil ibang bold era yun,” paliwanag nito.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Rita Avila (@msritaavila)

Dagdag pa ni Avila, mauunawaan lamang ng nakararami ang kanilang ginagawa kung ang mga ito na ang nakaharap sa kamera. 

“Walang makakaunawa hanggat hindi kayo ang aarte sa harap ng kamera. Pag nagawa nyo 'yun, mas magkakarespeto kayo sa hirap ng trabaho namin,” saad nito.

Nilinaw naman ni Avila na hindi niya hinuhusgahan ang mga artistang ginusto maging bold star. 

“Hindi ako mangmamata ng bomba star, bold star, pene star kasi sila 'yun. Alam nila at kaya nila ang ginagawa nila,” sambit ng aktres. 

“Kung ang prosti ay mabait naman tapos ang 'disenteng' teacher ay salbahe sa 'yo… sino ang rerespetuhin mo? Ako ung prosting mabait. Wala sa trabaho 'yan eh. Nasa kalooban.”

Napanood si Avila sa serye ng ABS-CBN noong 2020 na "Ang Sa Iyo ay Akin."