Hinikayat ng Department of Trade and Industry ang publiko na planuhin na ang kanilang panonood sa mga sinehan, na muling nagbukas ngayong Miyerkoles sa Metro Manila at ilan pang panig ng bansa.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, kuntento naman siya sa pagpapatupad ng mga sinehan sa mga health protocol na inilatag para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
"We encourage the viewers na umpisahan na nilang medyo magplano kung kailan sila manonood ng sine, lalo na kung nakikita naman nilang sinusunod ang mga protocol," ani Castelo na nag-ikot ngayong Miyerkoles sa mga sinehan para tingnan kung nasusunod ba ang mga patakaran.
"Alam mo 'yong pakiramdam na safe ka sa loob ng sinehan kasi 'yong operator o 'yong may-ari ng sinehan ay sumusunod doon sa mga protocol," dagdag niya.
Sa pagpila pa lang sa sinehan, hinahanapan ang mga manonood ng vaccination card, pero puwede ring ipakita ito sa pamamagitan ng cellphone na may kasamang ID. May QR code din para sa health declaration.
Sa loob naman ng mga sinehan, may airflow at one meter na pagitan sa mga manonood. Hiwalay din ang entrance at daan papuntang exit.
Puwede ring tanggalin ang face shield habang nanonood pero bawal alisin ang face mask at bawal ding kumain.
Nagtalaga rin ang mga sinehan ng mga safety officer para tingnan kung may lumalabag sa safety protocols.
May mga air purifier din sa sinehan at nililinis agad ang pasilidad bago ang susunod na palabas.
May pakiusap naman si Castelo sa mga manonood dahil magsasagawa ang DTI ng mga random inspection.
"Kung puwede pagbigyan niyo na kami, kung makikita niyo kami sa loob ng sinehan habang nanonood kayo kasi kailangan nating siguraduhin na ligtas kayo habang nanonood ng sine," aniya.
Nag-inspeksiyon din ngayong Miyerkoles si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos sa mga sinehan sa isang mall sa Taguig City.
Sa 4 na cinema ng mall, 2 lang ang binuksan sa publiko at may 45 minuto hanggang 1 oras sa pagitan ng bawat palabas para makapag-disinfect ng sinehan.
Kasama sa mga mall na nagbukas ulit ng mga sinehan ngayong Miyerkoles ang Eastwood, Gateway, Glorietta, Greenhills, Lucky Chinatown, Powerplant Mall, Trinoma, Vista Malls at Starmalls.
Sa Iloilo, nagbukas na rin ang ilang sinehan pero 30 porsiyento lang ang kapasidad.
Sa isang araw, 3 beses lang ang palabas para bigyang daan ang disinfection.
— Ulat nina Alvin Elchico at Wheng Hidalgo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.