PatrolPH

Face shields puwedeng alisin sa mga sinehan: DTI

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2021 02:20 PM | Updated as of Nov 04 2021 06:45 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Puwedeng magtanggal ng face shield ang mga manonood sa loob ng mga sinehan, na nakatakdang magbukas ulit sa susunod na linggo, sabi ngayong Huwebes ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, puwedeng alisin ng mga moviegoer ang kanilang mga face shield pero dapat ay laging suot ng mga ito ang kanilang mga face mask.

Kung gusto rin naman ng moviegoer, puwede rin naman nilang suotin ang kanilang face shield habang nanonood.

Nauna nang sinuportahan ng OCTA Research Group, na nagsasagawa ng mga pag-aaral sa COVID-19 data, ang panukalang pag-alis ng mga face shield sa loob ng mga sinehan.

Ayon kay Castelo, required ang mga sinehan na mag-disinfect bago at pagkatapos ipalabas ang pelikula.

Sa ilalim din ng guidelines ng DTI, dapat may 1-meter distance sa pagitan ng mga moviegoer kahit pa sila'y magkakapamilya o magkakasama sa iisang tirahan.

Ipagbabawal naman umano ang pagkain sa loob ng sinehan pero papayagan ang pag-inom ng tubig para sa emergency o health purpose.

Sa Nobyembre 10 nakatakdang muling magbukas ang mga sinehan sa Metro Manila.

Ayon sa Ayala Cinemas, Nobyembre 10 sila magbubukas pero sa 8 mall lang.

Mga bakunado lang anila ang puwedeng manood ng sine, na maglalaro sa P280 hanggang P450 ang ticket.

Sa Nobyembre 24 at 26 naman magbubukas ang SM Cinemas sa mga piling mall.

Wala pang itinakdang petsa ang Robinsons Cinemas kung kailan sila magbubukas pero tiniyak nilang susunod umano sila sa mga patakaran.

Iginiit naman ng Ayala Malls na susunod sila sa bagong mall hour simula Nobyembre 15, kung saan alas-11 ng umaga na ang bukas ng mga mall tuwing weekday habang alas-10 ng umaga naman kapag weekend.

Susunod din umano ang SM Malls sa alas-11 ng umaga na opening.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.