PatrolPH

ALAMIN: Mga pelikulang ipapalabas sa muling pagbubukas ng mga sinehan

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2021 06:14 PM | Updated as of Oct 21 2021 08:30 PM

Watch more on iWantTFC

Inanunsiyo ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) na sa Nobyembre 10 na ang reopening ng mga kasapi nilang theater chain sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, gaya ng Metro Manila.

Buena mano sa mga manonood ang futuristic Hollywood movie na "Dune," ang sequel ng "A Quiet Place," at kuwento ni Princess Diana na "Spencer."

Ikinakasa na rin ang pagpaplaabas ng Marvel movies na "Shang-Chi and the Legend of the Ten Rings" at "The Eternals," "Ghostbusters: Afterlife," James Bond movie na "No Time To Die," at ang thriller na "Last Night in Soho."

Kabilang sa mga unang nag-anunsiyo ng kanilang pagbubukas ang Power Plant Mall sa Makati, na 1-seat-apart ang disenyo ng kanilang sinehan.

Magbubukas na rin ang mga sinehan ng Megaworld sa Eastwood, Lucky Chinatown, Newport at Uptown Cinemas, at Venice Cineplex.

Mago-operate na rin ang Robinsons Movieworld, Greenhills Cinema Chain, at Gateway at Ali Mall sa Quezon City.

Tiniyak ng mga pamunuan ng mga sinehan na prayoridad nila ang kaligtasan ng mga manonood, at susundin ang lahat ng safety protocols gaya ng 1-seat-apart at hindi pagkain sa loob ng sinehan.

Bagaman may takilyera pa rin, hinihikayat ang lahat ng bumili ng movie tickets online.

Fina-finalize naman ng SM at Ayala Malls kung kailan sila magbubukas ng sinehan.

Bukod sa Hollywood films, inihayag ng Viva Entertainment na ipalalabas din nila bago mag-Pasko ang comeback movie nina Claudine Barretto at Mark Anthony Fernandez na "Deception."

Inaaral din ng Viva ang tamang playdate para sa "Real Life Fiction," ang bagong suspense drama nina Piolo Pascual at Jasmine Curtis sa direksiyon ni Paul Soriano.

Nakakasa ring ipalabas, ayon sa CEAP, ang "Kunwari Mahal Kita" nina Joseph Marco at Ryza Cenon, at premyadong award-winning international movie na "Kun Maupay Man It Panahon" nina Daniel Padilla at Charo Santos.

Nagpasalamat ang CEAP sa muling pagbubukas ng mga sinehan para na rin sa kapakanan ng maraming manggagawa sa movie industry na nawalan ng trabaho nitong nakaraang isa't kalahating taon dahil sa pandemya.

— Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.