MAYNILA— Nagbabadya sa susunod na linggo ang rollback sa diesel at kerosene, matapos ang 9 sunod-sunod na linggong may price hike dito.
Pero may nakaambang big-time price hike sa presyo ng gasolina at sa liquefied petroleum gas (LPG).
Base sa unang 4 na trading, bumaba nang P0.33 kada litro ang presyo ng kada litro ng diesel, at bumaba nang P0.26 ang kada litro ng kerosene.
Pero umakyat na ng P1.28 ang kada litro ng gasolina.
Ipinaliwanag ni Department of Energy Assistant Director Rodela Romero na marami sa mga industriyang gumagamit ng natural gas ay gumagamit na ng gasolina bilang fuel.
Nagsimula na rin ang driving season sa India at China sa pagbubukas ng ekonomiya, sa harap ng pagbaba ng COVID-19 cases.
Sa kabuuan, nasa P20.80 kada litro na ang net increase sa gasolina; P18.45 naman ang idinagdag sa kada litro ng diesel, at P16.04 ang idinagdag sa presyo ng kerosene.
Kasabay nito, may inaasahang taas presyo sa LPG pagpasok ng Nobyembre.
Pero inaasahan ding mas mababa ang idaragdag kumpara sa mga nasa higit P7 kada litro. Tantiya ni Regasco president Arnel Ty na P1.50/kilo ang idaragdag sa kada kilo ng LPG.
Sa kabuuan, nasa P20.24 kada kilo o P220 kada regular tank ang idinagdag sa presyo ng LPG mula Enero.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Kaugnay na video
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.