(UPDATE) Iminungkahi ng grupong Laban Konsyumer na suspendehin ng pamahalaan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa harap ng sunod-sunod na oil price hike.
Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat suspendehin muna ang excise tax sa petrolyo na P11.20 sa gasolina at P6.72 sa diesel at kerosene.
Sa pagsuspende ng naturang buwis, maiibsan ang hirap ng mga motorista sa serye ng mga taas-presyo sa petrolyo, ani Dimagiba.
Ngayong Martes, nagpatupad ang mga kompanya ng langis nang P1.30 hanggang P1.50 taas-presyo sa kanilang mga produkto. Ito ang ikapitong sunod na linggong nagkaroon ng price hike at ikalawang linggong malaki ang ipinatupad na taas-presyo.
Mula Enero hanggang Oktubre 12, narito ang kabuuang iminahal ng presyo ng petrolyo:
- Gasolina - P17.85 kada litro
- Diesel - P16.50 kada litro
- Kerosene - P14.19 kada litro
Samantala, sinabi naman ng advocacy group na National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) na hindi nito kokontrahin ang hirit ng mga transport group na dagdag-pasahe.
"The National Center for Commuter Safety and Protection will not oppose the petition for fare increase, considering the price of oil and the number of passengers per trip and number of trips," sabi sa pahayag ni NCCSP Chairperson Elvira Medina.
"We have to consider the plight of our partners in the street - the jeepney drivers," dagdag ni Medina.
Sa Miyerkoles nakatakdang maghain ang mga transport group ng petisyon para taasan nang P3 ang pasahe. Kapag pinayagan ng pamahalaan, aakyat ang minimum fare sa P12 mula P9.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.