Kakulangan sa bigas, inaasahang mapupunan sa anihan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Kakulangan sa bigas, inaasahang mapupunan sa anihan

Kakulangan sa bigas, inaasahang mapupunan sa anihan

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kinukulang na ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa ilang palengke pero umaasa ang ahensiya na mapupunan ito pagdating ng anihan sa Setyembre.

Ayon kay NFA spokesperson Rex Estoperez, kung ibabase sa imbentaryo nilang 2.2 milyon bags, tatlong araw at kalahati na lang ang itatagal ng kanilang buffer stock ng bigas kung susuplayan nito ang buong bansa.

"'Yong ating 3.44 days na 'yan, hindi naman natin kaagad-agad na mauubos 'yan dahil hindi naman tayo ang magsu-supply ng buong Pilipinas," sabi sa DZMM nitong Biyernes ni Estoperez.

Pero dahil magsisimula na ang anihan sa Setyembre, inaasahan ng NFA na madagdagan na ang suplay ng bigas.

ADVERTISEMENT

Sa kabila nito, kailangan pa rin umanong tipirin ang natitirang suplay.

"Ang ating anihan ay mid-September so we have to stretch ang ating naiiwan ngayon para sa emergency natin at para mai-supply natin sa mga kababayan natin sa pamilihan," ani Estoperez.

Kaugnay sa kakulangan sa bigas, isa sa mga nakikitang solusyon dito ng gobyerno ay ang pag-aangkat, bagay na sinang-ayunan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Dagdag pa ni Arroyo, bukas siya sa pagbuwag sa NFA kapag naisabatas na ang panukalang pagpataw ng taripa sa mga inaangkat na bigas.

"They have to import and when we tariffy importation, then maybe NFA can be abolished," sabi ni Arroyo.

"Right now, the most important thing is we should be able to import rice and make it arrive before October," aniya.

'BINUKBOK NA BIGAS, LIGTAS KAININ'

Samantala, kinain nitong Biyernes ng ilang opisyal ng NFA sa Bicol ang nilutong bigas na galing sa 177,000 sako na isinailalim sa fumigation o pagpapausok ng gamot matapos makitaan ng mga insektong bukbok.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Layong patunayan ng mga opisyal na ligtas at hindi nakasasama sa kalusugan ang bigas kahit pa dumaan sa gamutan.

"Masarap naman, lasang kanin," ani NFA-Bicol Regional Director Henry Tristeza.

''Hindi tayo basta-basta mag-a-apply ng food preservatives na hindi proven... in accordance with international standard," dagdag ni Tristeza.

Hinihintay na lang na idiskarga ang mga sako ng bigas sa barko subalit dahil may low pressure area at hindi gaanong maganda ang panahon sa Bicol ay maaaring maantala na naman ito.

PRESYO NG MANOK, SIBUYAS, BAWANG, TUMAAS

Samantala, sa pag-iikot ng ilang kawani ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes sa dalawang palengke sa Quezon City, lumalabas na tumaas ang presyo ng sibuyas, bawang, at manok.

Nasa P100 na ang kada kilo ng puting sibuyas kumpara sa dating P75 kada kilo habang umakyat naman sa P80 hanggang P90 ang kada kilo ng inangkat na bawang mula sa dating P70.

Nasa P160 naman ang presyo ng kada kilo manok pero ang farmgate price nito ay dapat nasa P130 lang.

May P10 naman ang itinaas ng presyo ng kada kilo ng bangus habang P20 naman ang sa kada kilo ng galunggong.

--Ulat nina Jacque Manabat at Thea Omelan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.