PatrolPH

Singil sa kuryente tataas sa Agosto, ayon sa Meralco

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2021 11:50 AM | Updated as of Aug 09 2021 07:47 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Inanunsiyo ngayong Lunes ng Manila Electric Co. (Meralco) na magkakaroon ng pagtaas sa singil sa kuryente para sa August billing.

Ayon sa Meralco, P0.0965 kada kilowatt hour (kwh) ang dagdag-singil bunsod ng pagsipa ng transmission charge ng National Grid Corporation of the Philippines.

Ang naturang charge ay singil sa pagpapadala ng kuryente mula sa mga power plant papunta sa mga konsumer.

Katumbas umano ito ng P19 dagdag sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kwh, P29 sa konsumong 300 kwh, P39 sa konsumong 400 kwh, at P48 sa konsumong 500 kwh.

Ito na ang ika-5 sunod na buwang nagkaroon ng dagdag-singil sa kuryente.

Pero ayon sa Meralco, mas mababa pa rin ang kabuuang power rate ng Meralco kompara noong 2018 hanggang 2019 o bago mag-pandemya.

Ayon pa kay Meralco head of utility economics Larry Fernandez, posibleng bumaba ang presyo ng kuryente sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang pagbaba ng demand dulot ng enhanced community quarantine (ECQ).

Nauna nang inihayag ng Meralco na suspendido ang putulan ng kuryente sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at modified ECQ.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.