PatrolPH

Grupo nagbabala sa dagdag-singil sa kuryente dahil sa kapos na suplay

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 07:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagbabala ngayong Miyerkoles ang isang grupo sa posibleng dagdag-singil sa kuryente sa susunod na buwan dahil sa pagsipa ng presyo sa spot market kasunod ng mga brownout dahil sa kakapusan ng supply.

"Ang apela ko sa mga taga-Meralco, kung maaari, bawiin 'yong pagpapakalat ng mga disconnection notice. Let's give consumers a breathing spell," ani Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.

Ang dapat sisihin, ayon sa Laban Konsyumer, ay ang Department of Energy (DOE) dahil alam na raw nila noong Abril pa lang na posibleng kapusin ang supply ng kuryente.

"They did not do their work and secondly, ang laki ng impact niyan sa mga consumer, lalo na sa susunod na bayarin," ani Dimagiba.

Dumepensa naman ang DOE.

"Ang insidente ay beyond the control of the Department of Energy... there are factors that cannot be controlled," ani Mario Marasigan, direktor ng Electric Power Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.

Nagbabala naman si Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na puwedeng kasuhan ng economic sabotage ang mga plantang pumalya kahit bawal dapat ang maintenance shutdown sa tag-init.

"Kung patuloy ang hindi pag-comply, wala tayong magagawa kundi to impose the discipline that is necessary because at the end of the day, consumers are suffering," ani Fuentebella.

Pinagpapaliwanag naman ng Energy Regulatory Commission sa loob nang 7 araw ang mga power plant na sumobra na ang "unplanned outage" o biglaang pagpalya na nagresulta sa kakulangan ng supply ng kuryente sa Luzon.

Nauna nang sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines na posibleng tumagal hanggang Hunyo 7 ang kinakapos na supply ng kuryente sa buong Luzon dahil sa pagpalya ng mga planta.

Ngayong Miyerkoles, hindi nag-rotational brownout sa Meralco area dahil lumamig ang temperatura bunsod ng pabugso-bugsong ulan at bumaba ang demand sa kuryente.

Napakgasya umano ang sisinghap-singhap na supply ng kuryente.

Gumana na rin ulit ngayong hapon ng Miyerkoles ang Sual Power Plant pero bumagsak naman ang isang planta sa Pagbilao, Quezon.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.