Kamatis sa NCR, halos doble ang taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2022 02:27 PM | Updated as of Apr 21 2022 09:58 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Tumaas na nang nasa P70 kada kilo ang presyo ng kamatis sa mga palengke sa Metro Manila dahil sa kakulangan ng suplay. 

Mula sa P80, mabibili na ito sa P140 hanggang P150 kada kilo. 

Sa taniman ng kamatis sa Laguna, umaabot na sa P90 hanggang P100 ang farmgate price kada kilo. 

HIndi kasi lahat ng magsasaka ay nagtanim ng kamatis lalo't nalugi sila noong nakaraang taon matapos bumagsak ang presyo nito. 

Watch more News on iWantTFC

"Madalang ang nagtanim kasi ilang taon din na halos bumagsak ang presyo ng kamatis. Kung maalala mo noon, talagang ang kamatis halos itinatambak na lang," ani Laguna Provincial Agriculture head Marlon Tobias. 

Nakaapekto rin umano ang pabago-bagong klima. 

Pero daing ng magkakamatis, masyadong mataas ang kapital sa pagtatanim dahil sa taas ng presyo ng mga farm input kaya marami umano ang tumigil na magtanim. 

Ngayon, maraming magsasaka na ang nagtanim ng sayote dahil sa takot malugi sa kamatis, sapagkat hindi maselang alagaan at maliit lang ang kapital.

"Madalang na po nagtanim kasi sa sobrang laking kapital po kailangan. Ang mahal po ng mga pang-inputs, abono po, sa maintenance. Mahal na rin po ng labor," sabi ng magsasakang si Dario Coronado. 
 
Pero ang problema, nagaroon ng oversupply at bumagsak ang presyo kada kilo nito sa P4 hanggang P6. 

Umapela ang mga magsasaka na gawan ito ng paraan ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga abono at gamot. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News