Aabot sa 10 toneladang kamatis ang itinapon ng mga magsasaka sa bayan ng Kalayaan, Laguna matapos hindi na maibenta dahil sa dami umano ng suplay.
Ayon kay Marlon Tobias ng Laguna Provincial Agriculture Office, aabot sa P4 milyon ang halaga na ikinalugi ng mga magsasaka ng kamatis sa Laguna.
Ang mga kamatis mula Kalayaan ay binebenta sa Divisoria at Balintawak pero kamakailan, ayon sa mga magsasaka, ay ibinabalik na lamang ng mga biyahero ang mga small-size na kamatis dahil hindi na raw mabenta ang mga ito.
"Ngayon lang po 'yan nangyari. Last year, talagang kumita kami last year. Eh ngayon po talagang nakakaiyak ngayon ang presyo, bagsak na bagsak," sabi ng magsasakang si Jason Enoza.
Mga medium at good-size na kamatis na lang ang pinipili ng mga magsasaka para ibenta.
Ayon sa Laguna Provincial Agriculture Office, bagsak na rin ang farm gate price ng kamatis sa Laguna.
Nasa P2.50 ang presyo ng kada kilo ng medium na kamatis habang P5 kada kilo naman sa good size, ayon sa Laguna Provincial Agriculture Office.
Dagdag pa ng Laguna Provincial Agriculture Office, kaya nagkaroon ng oversupply o sobrang suplay ng kamatis ay dahil sa pagpasok umano sa Metro Manila ng mga gulay mula sa iba pang mga lalawigan para mapababa ang presyo ng gulay.
"Dapat nakontrol. Baka naman ipinarating lahat ng supply, iyon, kawawa naman ang mga magsasaka ng Laguna, ang laki ng lugi," ani Tobias.
Nais din ni Tobias na magkasa ng imbestigasyon dahil kahit sobra ang suplay ng kamatis ay mataas pa rin ang presyo ng kada kilo nito sa mga palengke.
Umaasa naman ang mga magsasaka ng kamatis sa Laguna na makababangon pa rin sila sa pagkakalugi.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), walang kamatis mula Mindanao na ipinasok sa Metro Manila.
Nangako rin ang DA na tutulungan ang mga naapektuhang magsasaka sa Laguna. --Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, agrikultura, kamatis, magsasaka, rehiyon, Kalayaan, Laguna, Laguna Provincial Agriculture Office, Department of Agriculture, TV Patrol, Dennis Datu, TV Patrol Top, #PricePatrol