Main office ng Government Service Insurance System sa Pasay. Jonathan Cellona ABS-CBN News/File
MAYNILA (UPDATE) – Sarado simula ngayong Martes ang main office ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Pasay City matapos magpositibo sa COVID-19 ang higit 80 empleyado ng state pension fund.
Ayon kay GSIS Executive Vice President Nora Malubay, sarado ang tanggapan hanggang Marso 19 para bigyang daan ang disinfection.
Patuloy naman ang online services ng GSIS maging ang operasyon ng mga hotline at kiosk sa iba’t ibang government agency, ani Malubay.
Inabisuhan din ng GSIS ang mga pensiyonado na huwag na munang pumunta nang personal sa main office o sa mga branch, lalo na ang gustong mag-Annual Pensioners Information Revalidation (APIR).
Samantala, hinikayat naman ni Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund Spokesperson Kalin Garcia ang kanilang mga miyebro na mag-proseso ng mga loan sa kanilang website bilang pag-iingat na rin sa harap ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19.
Ito ay kahit hindi pa umano tumitigil ang operasyon ng mga branch ng Pag-IBIG.
Kasama sa mga puwedeng iproseso sa website ang mga short-term loan at housing loan, ani Garcia.
Tiniyak naman ng Pag-IBIG Fund na istrikto nilang ipatutupad ang health protocols sa mga tanggapan.
Ilang beses namang tinanong ng ABS-CBN News ang Social Security System tungkol sa diskarte ngayong sumisipa ang bilang ng nahahawahan sa COVID-19 pero wala pa silang opisyal na pahayag.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, GSIS, Government Service Insurance System, GSIS Main Office, Covid-19, Philippines Covid-19 surge, Pag-IBIG, Pag-IBIG Fund, loans, Social Security System, TV Patrol, Alvin Elchico