Hanjin workers prayoridad sa job fair sa Zambales | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Hanjin workers prayoridad sa job fair sa Zambales

Hanjin workers prayoridad sa job fair sa Zambales

ABS-CBN News

 | 

Updated Feb 05, 2019 09:31 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ipaprayoridad ng gobyerno ang nasa 3,000 trabahador ng South Korean shipping company na Hanjin na mawawalan ng trabaho sa pag-arangkada ng job caravan para sa "Build Build Build" program ng gobyerno.

Sa gagawing job caravan sa Subic gymnasium sa Zambales sa Pebrero 9, magkakaroon ng "special lane" para sa mga trabahador ng Hanjin, na mawawalan ng trabaho sa Pebrero 15 matapos magdeklara ng pagkalugi ang kompanya noong Enero.

Magugunitang nagsumite ng petition for rehabilitation ang kompanya sa korte nang umabot ng US$412 milyon ang utang nito sa limang magkakaibang bangko sa bansa.

Ayon kay Bureau of Labor and Employment (BLE) Director Dominique Tutay, maituturing na "dekalidad" ang mga trabahador ng Hanjin dahil sa kanilang karanasan sa naturang shipyard.

ADVERTISEMENT

"Highly-skilled po sila. Ibig sabihin, very in-demand po sila and they also command higher prices than the regular workers," aniya.

"Alam naman nila 'yung kalidad ng Hanjin workers hindi po din 'yan basta-basta nakikita sa market at saka hindi rin po yan basta-basta nabi-build over time," dagdag niya.

Nasa 22,000 job vacancy ang iaalok ng halos 100,000 employer at partner contractors ng "Build Build Build" sa naturang job fair at maaari pa itong tumaas.

Ipinapanukala ng ACTS OFW party-list na tulungan ang mga na-lay off na trabahador na makahanap ng trabaho sa ibang bansa, partikular na sa New Zealand kung saan in-demand ang mga construction worker dahil sa building at housing boom doon.

"The Department of Labor and Employment should help the displaced Hanjin shipyard workers find new jobs in New Zealand, where Filipino construction labor is in high demand owing to a building and housing boom," anila sa pahayag.

Ayon pa sa pahayag, 10 beses na mas malaki sa P537 minimum wage ng Metro Manila ang tinatanggap ng mga Pinoy construction worker doon.

Dagdag nila, umabot sa mahigit P11 bilyon ang naipasok na remittance mula sa mga overseas Filipino workers ng New Zealand mula Enero hanggang Nobyembre 2018.

Pero ayon kay Tutay, mas marami pa sa mga ito ang gustong magtrabaho sa bansa, base sa profiling na isinagawa nila.

"Meron na po silang community doon po sa Zambales and siyempre po 'yung mga anak po nila doon na rin po nag-aaral, kasama po nila 'yung pamilya nila kaya none [of] the Hanjin workers po ang nagsabi that they would prefer overseas employment," aniya.

Para naman sa labor group na Workers for People's Liberation (WPL) mas maganda pa kung matutulungan ng pamahalaan ang mga naiwang worker na magkaroon ng mas maraming pagpipiliang oportunidad, lalo na't iba sa kanilang miyembro na galing Hanjin ang nakahanap ng trabaho abroad.

"Marami sila pumunta ng Japan, ng Australia... Opportunity yun eh atsaka 'yung mga manggagawa willing 'di ba, so bakit hindi?" ani WPL spokesperson Primo Amparo.

Samantala, umaasa ang mga trabahador ng Hanjin sa pangako ng DOLE na mababayaran agad ng Hanjin ang lahat ng kanilang benepisyo lalo na ang kanilang separation pay sa kompanya.

Ang Hanjin ang pinakamalaking foreign investor sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at ang panglima sa pinakamalaking shipyard sa mundo. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.