Buong puwersa ng Caloocan PNP, sinibak | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Buong puwersa ng Caloocan PNP, sinibak

Buong puwersa ng Caloocan PNP, sinibak

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 16, 2017 12:12 AM PHT

Clipboard

Iniutos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong Biyernes na tanggalin sa puwesto ang lahat ng pulis sa Caloocan.

Inilabas ni NCRPO chief Oscar Albayalde ang kautusan dahil sa sunod-sunod na kontrobersiyang kinasasangkutan ng Caloocan PNP.

Noong Setyembre 7, nahuli sa CCTV ang panloloob ng mga pulis-Caloocan sa isang bahay.

Kinilala ang isa sa mga nanloob na pulis na si Mark Andrada Dizon na siyang nanguna sa pagpasok sa loob ng bahay.

ADVERTISEMENT

Sa isa pang camera, kita si Dizon na kasama ang team leader na si Senior Inspector Warren Peralta habang kinakausap ang isang kamag-anak ng may-ari ng bahay, na kinilala lamang bilang alyas "Lorena."

Ayon kay Lorena, bagama't hindi sinaktan, matinding trauma rin ang dinanas ng dalawa niyang apo na nakakita mismo sa paghalughog ng mga armadong pulis.

"Sabi niya lola wag ka na umalis natakot daw sa mga may bitbit ng baril," ani Lorena.

Sinermunan ni Albayalde ang mga pulis na kasama sa operasyon.

"As Criminology graduates, criminology ang alam ko may law kayo di ba? Tama? Sa tingin niyo ba hindi labag sa batas iyon?"

Sinabon din ni Albayalde ang nasibak na station commander na si Chief Inspector Timothy Aniway Jr. dahil walang spot report ang isinagawang operasyon sa bahay ni Lorena.

Ayon kay Aniway: "Hindi po nila ipinaalam na may pinasok silang bahay. Galugad ang ipinaalam, hindi akyat bahay."

Ani Albayalde, una nang sinibak sa puwesto ang mga tauhan ng Caloocan PNP Station 7. Sisibakin na rin sa mga darating na araw ang mga miyembro ng iba pang estasyon.

Pansamantalang itatalaga ang mga miyembro ng NCRPO Regional Public Safety Battalion at Civil Disturbance Management sa Caloocan upang hindi mapilay ang operasyon ng PNP sa lungsod.

Dagdag pa ni Albayalde, isasailalim ang nasa 1,000 tauhan ng pulis Caloocan sa retraining.

Samantala, dumulog naman si Lorena sa National Police Commission (NAPOLCOM) para magsampa ng mga kasong administratibo laban sa mga pulis na nanloob sa kanilang bahay.

"Gusto kong humingi ng hustisya kasi hanggang ngayon nandoon pa rin nerbiyos ko."

Ayon sa NAPOLCOM, malinaw sa CCTV ang paglabag ng mga pulis sa paggamit ng menor de edad sa kanilang operasyon.

"Unnecessary exposure sa danger iyon 'pag may nangyari dahil di naman sila part ng operation. Pananagutan na naman ng PNP iyon," ani Attorney Rogelio Casurao, vice chairman at executive officer ng NAPOLCOM.

"Sa paggamit ng minor, parang wala na tayong pinagkaiba sa mga rebelde na gumagamit ng minors," ani Albayalde.

Matinding paglabag din umano ang pag-aarmas sa police asset at paggamit sa kanila para magnakaw.

Paliwanag ni Casurao: "Ang asset is supposed to provide only information, di sila dapat kasama. Sinasabi nila na di namin pwede expose ang asset kasi baka masunod at mapatay. Pinakamabigat niyan is dismissal from service or demotion in rank."

Para kay Lorena, kahit na nangangamba siya sa kanyang buhay, determinado siya na ilaban ang kaso. Dahil hindi lang ito para sa kanya kundi para na rin sa iba pang mga naging biktima ng pang-aabuso ng mga tiwaling pulis.

Matatandaang tatlong pulis-Caloocan din ang itinuturong may sala sa pagkakapaslang kay Kian delos Santos.

Dalawang pulis-Caloocan naman ang idinadawit sa pagpatay kay Carl Angelo Arnaiz.

-- Ulat nina Henry Atuelan at Dominic Almelor, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.