'Kulot, walang ear piercing; pero bangkay na pinaglamayan, mayroon'

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2017 10:15 PM

Ililibing na sana sa Martes o Miyerkoles, Setyembre 12 o 13, ang labi na naunang tinukoy bilang ang 14 anyos na si Reynaldo de Guzman.

Pero pagdedesisyunan muli ito ng mga kaanak matapos lumabas sa resulta ng pagususuri ng Philippine National Police na hindi tugma ang DNA sample ng bangkay sa DNA ng magulang ng nawawalang binatilyo.

Ayon sa kuya ni De Guzman na si Mon Gabriel, kinutuban na siyang maaaring hindi sa kapatid ang bangkay nang mapansing mas maliit ito at mas payat kumpara sa natatandaan niyang hubog ng katawan ng bunsong kapatid.

Nabanggit din ng mga kapatid ni De Guzman ang iba pang palatandaan. 

Wala raw butas sa tainga para sa hikaw o ear piercing si De Guzman pero may mga butas sa tainga ang nakaburol na bangkay.

May peklat din anila sa pisngi si De Guzman pero walang peklat sa pisngi ang pinaglamayang labi.

Dahil dito, mas lalong nag-aalala ang magkakapatid dahil sana raw, kung buhay pa si De Guzman, magpakita na siya sa pamilya.

Kung tunay ngang hindi si De Guzman ang pinaglalamayan, sana raw ay mahanap din ng tunay na pamilya niya ang nakaburol na labi.

"Nag-aalala rin po ako sa kaniya kasi kung hindi siya 'yan na pinaglalamayan namin, nasaan si Kulot? Sakaling hindi nga siya 'yan, sana may nag-claim na sa kaniya or pumunta na dito si Kulot para magpakita," ani Mon Gabriel. "Ang pinaniniwalaaan ko, siya na talaga 'yan, para hindi na ako maguluhan."

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.