Bangkay na natagpuan sa Nueva Ecija, hindi kay Reynaldo de Guzman: PNP

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2017 02:24 PM | Updated as of Sep 11 2017 11:10 PM

Hindi sa 14-anyos na si Reynaldo de Guzman alyas "Kulot" ang bangkay na natagpuan sa isang sapa sa Gapan, Nueva Ecija, ayon sa Philippine National Police Lunes.

Ayon sa PNP, hindi nagtugma ang resulta ng DNA test mula sa sample na nakuha sa bangkay at sa mga magulang ng nawawalang binatilyo.

Dagdag pa ng PNP Crime Lab, 99.99% na tama ang kanilang isinagawang DNA test sa bangkay.

Ang isinagawang DNA testing ay isang standard operating procedure lalo na sa mga bangkay na hindi pa nakikilala, dagdag ng ahensiya.

Kinuwestiyon naman ng Public Attorney's Office at ng mga magulang ni De Guzman ang isinagawang DNA test sa binatilyo.

Bakit daw isinailalim pa sa DNA test ang bangkay gayong positibo na itong kinilala ng mga magulang.

Gusto ring ipaulit ng ama ni De Guzman ang DNA test.

Pero ayon sa PNP DNA laboratory, maganda ang specimen na nakuha nila sa bangkay at natanggap nila ang naturang specimen noong Setyembre 7. 

Kinabukasan Setyembre 8, kinunan naman nila ng buccal swabbing ang mga magulang ni de Guzman at lumabas agad ang resulta makaraan ang dalawang araw.

Ilang makina at proseso rin ang pinagdadaanan ng DNA examination.

Sa kaso ni de Guzman, isang pasada lang anila ang pinagdaanan nito at hindi na ipinaulit-ulit pa dahil magandang sample ang kanilang nakuha, ayon sa PNP.

Pagmamalaki rin ng DNA crime lab, bago ang kanilang mga gamit tulad na lamang ng genetic analyzer na huling pinagdaraanan bago makuha ang resulta.
 
'May nananabotahe?'

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng sinasabotahe ang PNP sa mga insidente ng patayan sa mga bata.

Pagtitiyak ng PNP, aalamin nila kung sino ang nananabotahe sa imbestigasyon.

Sa ngayon ay hinahanap na ng mga pulis si de Guzman at patuloy na tinutukoy kung kaninong bangkay ang natagpuan sa Nueva Ecija.

Bukas din ang PNP sa hiwalay na pagsusuri sa bangkay.

Sinasabing magkasama sina Carl Angelo Arnaiz at si de Guzman nang huli silang makitang buhay noong gabi ng Agosto 17 sa Cainta, Rizal.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.