Taxi driver na 'hinoldap' ni Carl Arnaiz, paiba-iba ang salaysay

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 02:15 AM

Dalawang sinumpaang salaysay ang pinirmahan ng taxi driver na si Tomas Marleo Bagcal tungkol sa panghoholdap umano sa kaniya ng 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz.

Ang isang salaysay ay ginawa nang mapatay si Carl Angelo noong Agosto 18 at hindi pa nakikilala ang kaniyang bangkay, habang ang sunod na salaysay naman ay ginawa nito lang Agosto 29.

Sa unang affidavit, sinabi ni Bagcal na hindi niya namukhaan ang nangholdap sa kanya.

Pero sa pangalawang affidavit, sinabi niya na naka-itim na sweat shirt na may hood, itim na sombrero, blue na maong short pants, nakatsinelas at may dalang bag ang holdaper.

Bukod sa magkaiba ang oras nang pinara siya ng pasahero, magkaiba rin ang lugar kung saan siya hinoldap.

Sa una, sinabi niya na paglampas lang ng barangay hall ng Barangay 128 sa Caloocan.

Pero sa pangalawa, sinabi niyang sa bahagi ng C-3 Road.

Nang puntahan ng ABS-CBN news team ang lugar, hindi maaaninag mula sa kalye ang barangay hall dahil ito ay nasa looban pa.

Noong una, sinabi rin ng driver na hinabol siya ng mga suspek.

Pero binago niya ito at sinabing isa lang ang suspek.

Sa unang affidavit, sinabi niya na tinamaan siya ng baril sa braso.

Pero sa pangalawang affidavit, sa kamay daw siya tinamaan.

Ayon sa bagong hepe ng Caloocan Police na si Senior Superintendent Jemar Modequillo, malaking kuwestiyon ang mga pagkakaiba sa pahayag ng taxi driver.

Kaya hinamon ni Modequillo si Bagcal na lumutang at linawin ang kanyang mga salaysay.

Pinuna naman ng Public Attorney's Office (PAO) ang mga mahahalagang detalye tungkol sa taxi driver na wala sa kaniyang affidavit tulad ng license number, pangalan ng taxi, operator, at plate number ng sasakyan.

Ayon pa sa PAO, kaduda-duda ang salaysay ni Bagcal na isang grupo ng mga lalaking nagpakilalang pulis ang nahingan niya ng tulong.

Dahil sa mismong spot report, nakasaad na humingi siya ng tulong sa mga tauhan ng PCP 2 na noo'y nagsasagawa ng beat patrol.

Ibig sabihin naka-uniporme ang mga pulis, at hindi raw dapat sabihin ni Bagcal na grupo sila ng mga lalaki.

Nagbabala rin si Modequillo na maaaring maharap sa kasong perjury si Bagcal lalo't iba ang idineklara niyang address sa kaniyang sinumpaang salaysay.

Aminado naman si Modequillo na malaking hamon sa kaniya ang minanang problema dahil sa magkasunod na insidente ng pagpatay kina Kian Loyd Delos Santos at Carl Angelo.

Kaya mas mahigpit ang gagawin niyang pamamalakad at pagdisiplina sa hanay ng kaniyang mga pulis para masigurong hindi na maulit ang ganitong mga insidente.

Nitong Linggo, Setyembre 3, sinibak sa puwesto ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde ang tatlong pulis-Caloocan na sangkot sa diumano'y pagpatay kay Arnaiz. 

Carl Angelo Arnaiz, nagpositibo sa gunpowder residue

Samantala, nagpositibo naman sa gunpowder residue ang kanang kamay ni Carl Angelo Arnaiz, base sa resulta ng paraffin test na inilabas ng PNP Crime Laboratory.

Tugma ang resulta kung ikukumpara sa larawan ni Carl Angelo Arnaiz na kuha sa crime scene sa kahabaan ng C-3 sa Caloocan City noong Agosto 18, alas tres y medya ng madaling-araw, kung saan malapit sa kanang kamay niya ang isang baril.

Nakita rin ang tatlong basyo ng bala nito na umano'y ginamit ni Carl nang makipagbarilan sa mga pulis.

Ayon sa crime lab, kahapon lang isinagawa ang pagproseso ng paraffin test kay Carl.

Unidentified din ang pangalan dahil pinagbasehan daw ang naunang request ng SOCO sa chemistry division noong panahong hindi pa nakikilala ang bangkay ni Carl.

Sa SOCO report ng Northern Police District crime lab office, nakarekober sila ng sachet ng shabu at marijuana kay Carl.

Sa pagdinig ng Senado, ayon sa PNP Crime Laboratory, nagtamo ng limang tama ng bala si Carl.

Apat sa dibdib at isa sa tiyan.

Ayon pa sa crime lab, sa harap ng katawan ni Carl ang entry point ng mga bala.

At sa trajectory, lumalabas na pababa ang tama o mas mataas ang puwesto ng bumaril kaysa kay Carl.

Paliwanag ni Chief Inspector Jocelyn Cruz ng crime lab, maaaring nakatayo ang bumaril habang mas mababa ang posisyon ni Carl.

May nakita ring mga gasgas sa tagiliran si Carl pero hindi malaman kung siya ay kinaladkad.

Tulad ng naunang pahayag ng Public Attorney's Office, may nakita rin ang crime lab na mga marka sa mga pulso o wrist ni Carl.

Pero hindi matiyak ng crime lab kung ang mga marka ay nanggaling sa posas.

Naisagawa ang autopsy kay Carl nitong Agosto 28 o 10 araw pa matapos siyang mapatay.

-- May ulat nina Dominic Almelor, Maan Macapagal, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.