Baha sa Maynila, humupa na; NDRRMC, 'red alert' pa rin | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Baha sa Maynila, humupa na; NDRRMC, 'red alert' pa rin

Baha sa Maynila, humupa na; NDRRMC, 'red alert' pa rin

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 12, 2018 08:14 PM PHT

Clipboard

Bagaman humupa na ang baha sa ilang lugar sa Kamaynilaan, inihayag pa rin nitong Linggo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim sila ng "red alert" status at patuloy na magbabantay sa epekto ng pag-ulang dala ng habagat.

Sa ilalim ng red alert status, lahat ng ahensiya sa ilalim ng NDRRMC ay nakaantabay 24/7 para bantayan ang epekto ng masamang panahon.

Ginawa na ring aktibo ang "response cluster" na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bunsod ng malakas na buhos ng ulan noong Sabado, nalubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

ADVERTISEMENT

LIBO-LIBO, LUMIKAS

Libo-libong residente naman ang nanatili nitong Linggo sa mga evacuation center.

Nasa higit 26,000 indibidwal ang naitala ng Southern Police District nitong umaga ng Linggo na lumikas sa Marikina, Mandaluyong, Pasig at San Juan.

Pinakamarami rito ay sa Marikina, kung saan higit 21,000 indibidwal ang lumikas.

Nagsagawa ng paglilikas sa lungsod mula pa noong Sabado dahil sa pagtaas ng water level sa Marikina River, na umabot hanggang 20.5 pero bumaba na nitong Linggo sa 16 metro.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakataas naman ang "code red" sa Quezon City na nagpapatupad ng forced evacuation sa lahat ng nakatira sa mga mabababang lugar na pinangangambahang lulubog sa baha.

Nasa 800 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City.

Ayon sa barangay chairman na si Crisell Beltran, humupa na ang tubig sa kanilang lugar.

Pero dahil nananatili umanong mataas ang water level sa karatig-ilog at inaasahang makararanas pa ng pag-ulan, hindi muna nila ipinapayo ang pag-uwi ng mga residente.

Namigay ng kanin at mga sardinas ang DSWD at ilang church volunteers sa mga evacuee sa Quezon City subalit humihingi pa rin ng ayuda ang iba dahil hindi nila alam kung hanggang kailan sila mananatili sa mga evacuation center.

Naapektuhan din ang operasyon ng Delos Santos Medical Center sa Quezon City matapos bahain ang emergency room, dahilan para ilipat ang mga medical equipment.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kabila ng masamang panahon, tumanggi namang lumikas ang ilang residente ng Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Normal na kasi para sa ibang residente, anila, ang baha at ulan.

Sa halos 60,000 residente ng lugar, 488 lang ang nasa evacuation center.

Bukod sa libreng pagkain, mayroon ding palikuran at mahihigaan sa evacuation center ang mga residente ng Baseco.

Isa namang residente ng Baseco ang nawala sa kasagsagan ng malakas na ulan at patuloy na pinaghahanap ng Philippine Coast Guard.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Humupa na rin ang baha sa mga kalsada sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela sa hilagang bahagi ng Metro Manila.

May 200 apektadong pamilya ang Valenzuela ang nananatili sa mga evacuation center gaya ng Valenzuela National High School, Paltok Elementary School, Luis Francisco Elementary School at iba pa.

Sa Malabon, nasa 70 pamilya ang nananatili sa Merville Elementary School at Dampalit Barangay Hall. Naabutan na rin ng ayuda ang ilan sa mga ito.

Nagkansela na ng pasok sa Lunes ang ilang pamahalaang lokal dahil sa inaasahang masamang panahon.

Ayon sa state weather bureau na PAGASA, bagaman nakalabas na sa Philippine area of responsibility ang bagyong Karding, patuloy itong hihila ng habagat na inaasahang magdudulot ng pag-ulan hanggang Miyerkoles.

'PARANG ONDOY'

Sa isang panayam noong Sabado, inihalintulad ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang pag-ulang dala ng habagat sa pag-ulang dala ng bagyong Ondoy noong 2009.

Nalubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa Ondoy, na ikinasawi rin ng 464 katao.

Pero ayon sa Manila Observatory, kalahati lang ng ulang dala ng Ondoy ang ibinuhos ng habagat nitong weekend.

-- May ulat nina Henry Atuelan, Kevin Manalo, Jekki Pascual, Isay Reyes, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.