ALAMIN: Bakit extortion ang tawag ng Comelec chair sa bintang ng misis | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Bakit extortion ang tawag ng Comelec chair sa bintang ng misis

ALAMIN: Bakit extortion ang tawag ng Comelec chair sa bintang ng misis

ABS-CBN News

Clipboard

Nanindigan si Comelec Chairman Andres Bautista na pera lang ang nagtulak umano sa kanyang misis na dalhin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang iba't ibang dokumentong may kinalaman sa kaniyang mga ari-arian, kabilang na ang passbook sa bangko at titulo sa mga pag-aari.

Sa programang 'Pasada Sais Trenta' ng DZMM, ikinuwento ni Bautista na habang nasa Amerika siya noong Nobyembre 2016 para obserbahan ang U.S. Elections, tinawagan siya ng branch manager ng isang bangko sa Pilipinas para ipaalam na nagwi-withdraw ang kaniyang misis na si Patricia Paz Bautista mula sa kanilang joint account.

Nag-withdraw ng $117,000 at P250,000 ang na-withdraw umano ng misis sa kanilang account.

Katumbas ang mga ito ng kabuuang higit P6 milyon.

ADVERTISEMENT

Pagbalik ng Pilipinas ni Bautista, pinagbawalan na siyang umuwi sa kanilang bahay. Pinadalhan lang daw siya ng misis ng mga damit at binilinang lumayo hangga't hindi pa natatapos ang proseso ng kanilang hiwalayan.

"Ang naging sorpresa dito, dati sabi niya... wala raw siyang pakialam sa aking pera. Tapos biglaan na lang ito na noong pumasok na ang mga abogado, pera na lang naging basehan," giit ni Bautista.

"Mayroon silang estratehiya na talagang pangingikil at panggigipit. We tried to resolve this matter amicably for the last 10 months... parati po kami nasa-stuck sa pera."

Ayon kay Bautista, nagkasundo na raw sila sa hiningi ng kaniyang misis na P150 milyon, pero bigla umanong nagbago ang ihip ng hangin at hinihingi sa kaniya bigla ang halagang P620 milyon.

Pero ayon kay Atty. Martin Loon, legal counsel ni Patricia Paz Pautista, hindi nila hiningi ang P620 milyon. Bagkus, nakikipagnegosasyon pa lang daw sila at galing din umano ang nasabing halaga kay Bautista dahil base iyon sa tunay na halaga ng kaniyang mga pag-aari.

"The 620 (million-peso) figure came from you [Bautista], sir," giit ni Loon habang sabay silang kapanayam ng DZMM.

Binasa rin ni Loon ang umano'y palitan nila ng text message ni Bautista kung saan sinabi ng pinuno ng Comelec sa hinihinging halaga ng misis: "As an adulterer and a thief, her true share is zero."

Tanong naman ni Bautista sa kampo ni Patricia, bakit kinailangang dumaan pa sa NBI ang misis kung puwede namang ayusin na lang nila sa korte ang isyu nila sa hatian ng ari-arian?

Sagot ni Loon, gusto nilang masiyasat ng NBI ang nilalaman ng mga dokumento para malaman ang tunay na halaga ng yaman ni Bautista.

"Bakit mo ide-deposit P450,000 every day [sa bank account] to avoid detection, what were you hiding? 'Yon sir, ang tanong na nag-trigger sa'min na dalhin sa NBI," ani Loon. Ito ay patungkol sa umano ay nadiskubre nina Patricia na mga transaksiyon sa bangko ng Comelec chairman. Karaniwang ang sinisyasat sa ilalim ng batas sa anti-money laundering ay mga transaksiyon P500,000 pababa. Tinatanong ni Loon kung may dahilan kaya inutay-utay ang mga transaksiyon.

Batid naman ni Bautista na hindi na lang ngayon simpleng away mag-asawa ang isyung kinasasangkutan niya ngayon.

Aniya, handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon para malinis ang kaniyang pangalan sa alegasyon ng iregularidad.

"Hindi po 'yan nakaw na yaman, ang SALN ko truly reflects what is my net worth. Ang SALN ko po noong 2016 ay P176,300..." ani Bautista. "Handa akong harapin anumang hearing ang ipatawag, at sabi ko nga ilalabas lang natin kung anong katotohanan."

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.