Nakaligtas sa Ozamiz raid, nagpatay-patayan para di mapuruhan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Nakaligtas sa Ozamiz raid, nagpatay-patayan para di mapuruhan

Nakaligtas sa Ozamiz raid, nagpatay-patayan para di mapuruhan

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 31, 2017 11:27 PM PHT

Clipboard

  • Testigo, kinontra ang kuwento ng pulis
  • 'Nakadapa ang mga Parojinog, may naghagis ng granada; bumalik ang mga pulis, namaril; nagtanim ng baril'

Nagkunwaring patay na para hindi mapuruhan sa pamamaril umano ng pulisya sa mga miyembro ng pamilya Parojinog ang isang nakaligtas sa madugong raid sa Ozamiz City, Misamis Occidental.

Ayon kay alyas 'Cesar', empleyado ng napatay na board member na si Octavio Parojinog, pasado alas-2 ng madaling araw nitong Linggo, Hulyo 30, nang makarinig sila ng putukan sa bahay ni Ozamiz Mayor Reynaldo 'Aldong' Parojinog Sr.

Kuwento ni Cesar, nang may dumating na mga pulis, dinala siya at si Octavio sa katabing bahay ni Mayor.

Ikinumpol daw sa isang sulok ang meyor, asawa nitong si Susan, kapatid na si Mona, si Octavio at si Cesar.

ADVERTISEMENT

Nakadapa raw si Cesar sa harap ng mayor. Ilang saglit pa, lumabas umano sa bahay ang mga pulis at matapos nito'y may naghagis daw ng granada sa kanilang nasa loob ng bahay.

Sugatan si Cesar sa pagsabog.

Maya-maya, bumalik ang mga pulis sa loob ng bahay.

Doon na raw binaril ang meyor pero sumangga si Octavio. Pero dahil nakaharang si Octavio, binaril ang board member ng dalawang beses. Kay Aldong naman daw tumama ang ikatlong putok ng baril.

Nakita rin daw ni Cesar na nagtanim ng baril ang mga pulis.

Inakala umano ng mga pulis na napatay na rin si Cesar. Ipinahid niya kasi sa katawan at mukha niya ang dugo ni Aldong. Gumapang siya palabas bandang alas-6 ng umaga, at nagulat daw ang mga pulis na buhay pa siya.

Ayon sa kaanak ng mga Parojinog na si alyas 'Nimfa', na isa pang survivor sa isinagawang raid, posibleng maging testigo ng pamilya si Cesar.

Ozamiz vice mayor Parojinog at kapatid, dinala sa Camp Crame

Mula Ozamiz, ibiniyahe na papuntang Camp Crame nitong umaga ng Lunes, Hulyo 31, si Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr.

Isinailalim sa booking process ang dalawa, kinunan din ng mug shot at isinailalim sa physical exam.

Dinalaw na sila ni Nimfa at iba pang kaanak sa PNP custodial center.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police para busisiin kung may iregularidad ang operasyon sa Ozamiz.

Itinanggi naman ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na sadyang pinatay ang mga Parojinog.

Pero aniya, hindi tamang tinanggal ang CCTV, kung totoo man ang alegasyong inalis iyon ng mga nang-raid na pulis.

Kung tutuusin, mas gusto umano ni Dela Rosa na buhay ang meyor para harapin ang mga alegasyon.

Ayon kay Dela Rosa, magsisilbi itong babala sa iba pang target na wala umanong sinasanto ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas.-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.