Isa pang 'nabugbog' ng bagitong pulis sa Mandaluyong, lumutang | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Isa pang 'nabugbog' ng bagitong pulis sa Mandaluyong, lumutang

Isa pang 'nabugbog' ng bagitong pulis sa Mandaluyong, lumutang

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 29, 2017 11:24 PM PHT

Clipboard

Bukod sa dalawang lalaking pinaghahataw ng bagitong pulis sa Mandaluyong, isa pang lalaki ang lumutang at ibinunyag na maging siya ay binugbog at pinagbantaan din umano ng pulis.

Matapos magsalita sa media kahapon ang mga lalaking nakuhanan ng video na walang habas pinagpapalo ng kahoy ng isang pulis-Mandaluyong, lumutang nitong Huwebes ng umaga si alyas 'Arnold' na naging biktima rin umano ng pang-aabuso ni PO1 Jose Tandog noong Mayo 15.

Sa larawang ibinigay niya sa ABS-CBN News, kita ang malaking pasa sa dibdib na ayon sa kanya ay resulta ng pagpalo sa kanya ng yantok ni Tandog.

“Mag-iinom lang kami. Binigyan po ako ng suntok sa tagiliran, pinalo rin tapos sabi niya “gusto mo dito pa lang 'tumba na kita?”” kuwento ni Arnold.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa niya, hindi na siya naghain ng reklamo dahil sa takot. Aniya, nagtataka rin siya kung bakit gaya ng nakita sa video, wala ring tauhan ng barangay na umawat sa pananakit ni Tandog noon.

Depensa naman ng barangay, magdamag rumoronda ang kanilang mga tanod at hindi rin totoo ang akusasyon na laging sarado ang kanilang tanggapan.

Balak namang bisitahin ng Department of the Interior and Local Government ng Mandaluyong ang Barangay San Jose para alamin kung totoong walang tauhan ang barangay noong mangyari ang insidente.

Itinanggi naman ni Tandog ang akusasyon ni Arnold at sinabing wala siyang maalala at wala ring naghain ng reklamo laban sa kanya.

Galit si 'Bato'

Galit naman si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa sa nangyaring pambubugbog ng pulis sa dalawang lalaki sa Mandaluyong.

Ayon kay Dela Rosa, walang dahilan ang mga pulis para manakit at manakot sa dalawang lalaki.

“Hindi dapat nananakit... pulis ka, dapat magtimpi ka,” ayon kay Dela Rosa.

Tungkol sa pag-ibig ang mensahe ng kantang binirit ng PNP chief sa kasalang bayan sa Parañaque City Huwebes ng umaga.

Pero nagbago ang tono niya nang tanungin tungkol sa viral video ng pulis na si Tandog na pinapalo ng kahoy ang mga taong inaresto dahil sa paglabag sa curfew at drinking in public sa Mandaluyong City. Hindi naman umawat sa pamamalo ni Tandog ang kasamahang si PO1 Chito Enriquez.

Iniutos din ni Dela Rosa na ipatapon sa Marawi ang dalawang pulis.

“'Papadala ko na sila sa PRO-ARMM... tapos sa Marawi… do’n sila mag-practice mamalo sa Maute,” ani Dela Rosa.

Tinanggal na rin sa Mandaluyong ang dalawang bagitong pulis at nilipat sa holding unit ng PNP-National Capital Region Police Office sa Taguig.

Nahaharap sila sa kasong administratibo na maaari nilang ikasibak sa trabaho.

Ipinatanggal na rin ni Dela Rosa sa puwesto ang commander nina Enriquez at Tandog at sisilipin pa kung kailangan pang sibakin ang ibang opisyal ng Mandaluyong-PNP dahil sa insidente.

“Kung kailangang palitan yung chief of police ng Mandaluyong, gawin natin,” pahayag ni Dela Rosa.

Mga batang pulis

Pawang mga bagitong pulis sina Tandog at Enriquez. Taong 2014 naging pulis si Tandog habang dalawang taon pa lang sa serbisyo si Enriquez.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Enriquez na nabigla siya nang biglang paghahampasin ng kahoy ni Tandog ang mga nahuli nilang lalaki na pawang mga lasing.

“Nagulat ako do’n sa nangyari... kaya di ko na siya naawat,” ani Enriquez.

Sabi naman ni Tandog, malaking aral sa kanya ang insidente at nagsisi na siya sa nagawa.

“Dapat i-control ang emotion sa lahat ng oras,” ani Tandog.

Dagdag pa ng dalawang pulis, handa silang tanggapin ang hatol sa kanila ng pamunuan ng PNP.

Nasa restrictive custody na ngayon ng NCRPO ang dalawa habang inaayos pa ang papel nila para tuluyang madestino sa Marawi.

-- Ulat nina Raphael Bosano at Raffy Santos, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.